Martin2 BATANG PASYENTE – Personal na nakipag-ugnayan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga batang pasyente sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at sa kanilang mga magulang Martes ng umaga, dala ang mensahe ng pag-asa sa mga pamilyang humaharap sa matitinding pagsubok sa kalusugan. Matapos pakinggan ang kanilang mga kwento, tiniyak niya ang suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pagpapalakas ng pediatric healthcare sa bansa. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez tiniyak sa PCMC tuloy-tuloy na pondo

Mar Rodriguez Apr 29, 2025
19 Views

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na patuloy na paglalaanan ng pondo ng gobyerno ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) para mas mapahusay ang ibinibigay nitong serbisyo, na maituturing umano na isang pamumuhunan para sa magandang kinabukasan ng mga bata.

Ginawa ng lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pahayag sa isinagawang capsule-laying at groundbreaking ceremony para sa itatayong 20-palapag na Advanced Pediatric Services building ng PCMC na matatagpuan sa kanto ng Quezon Avenue at Sen. Miriam Defensor Avenue sa Quezon City.

Ito ay bahagi ng Legacy Specialty Hospitals program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga center ay pakikinabangan ng libu-libong batang may karamdaman.

“Malaking tulong ang pasilidad na ito dahil ating binibigyang-halaga ang buhay at kalusugan ng kabataan, para sa kinabukasan ng bayan,” ani Speaker Romualdez.

“Hindi basta-basta ang proyektong ating sisimulan ngayon. Layunin nating magtayo ng multi-specialty center para gamutin ang pinaka-malalang sakit tulad ng pediatric cancer, brain and spine diseases, at iba pang sakit na kailangan ng masusing pag-aalaga,” dagdag pa niya.

Ipinabatid niya sa mga doktor, nars, administrador, kawani ng ospital, pasyente, pamilya ng mga ito, at iba pang stakeholder na noong nakaraang taon, sa gabay ni Pangulong Marcos, ay naglaan ng pondo ang Kongreso para sa PCMC partikular para sa pagtatayo ng Advanced Comprehensive Center for Pediatric Brain and Spine at Pediatric Cancer Center.

Ang 20-palapag na gusali ay magkakaroon ng 500-bed capacity at moderno at makabagong medical technology.

Magkakaroon ang itatayong gusali ng Modern Cancer Center at mga subspecialty services gaya ng infectious diseases, nephrology (pangangalaga sa bato), cardiology (pangangalaga sa puso), pulmonology (pangangalaga sa respiratory system), endocrinology (paggamot sa hormonal disorders), neurology (neuro-developmental pediatrics), surgical services, intensive care units para sa mga kritikal na pasyente, at rehabilitation services.

Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga doktor, nars at kawani ng PCMC sa kanilang walang pagod na paglilingkod at sakripisyo.

Binigyan din niya ng pagbati ang ospital para sa ika-45 anibersaryo nito ng Martes.

Dumalo rin sa programa sina PCMC Deputy Executive Director for Education, Training and Research Dr. Mary Ann C. Bunyi; PCMC Deputy Executive Director for Hospital Support Services Dr. Cecilia Gan; Quezon City Health Department OIC Dr. Ramona Abarquez; Health Undersecretary Elmer Punzalan; Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, at iba pa.

“Malaking bagay po sa amin ito (new facility) sir [Speaker Romualdez], mapagsisilbihan ang maraming mga bata,” ani Gan sa kanyang pambungad na mensahe.

Personal ding nakipag-ugnayan si Speaker Romualdez sa mga batang pasyente at kanilang mga magulang sa PCMC, dala ang init ng pakikiramay at mensahe ng pag-asa sa mga pamilyang humaharap sa matitinding pagsubok sa kalusugan.

Matapos pakinggan ang kanilang mga kwento, nagbigay siya ng aliw at muling tiniyak ang suporta ni Pangulong Marcos sa pagpapalakas ng pediatric healthcare sa bansa, na may buong pondo mula sa House of Representatives, upang matiyak na ang bawat batang Pilipino ay may access sa dekalidad at may malasakit na serbisyong medikal.

Dagdag pa niya, ang patuloy na pagpopondo sa PCMC ay katuparan din ng pangarap ng dating First Lady Imelda Romualdez Marcos, na siyang nagtayo ng mga specialty hospital sa East Avenue–Quezon Avenue area upang makapagbigay ng dekalidad na serbisyong medikal sa mga Pilipino.

Kabilang sa cluster ng ospital ang PCMC (dating Lungsod ng Kabataan), Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).

“Sa araw na ito, hindi lang tayo naglulunsad ng isang proyekto. Nagbibigay tayo ng pag-asa. Hindi ito simula. Hindi rin ito katapusan. Ito’y pagpapatuloy ng pangarap—isang pangarap na nagsimula noong 1979, nang itatag ni dating First Lady Imelda Romualdez Marcos ang Lungsod ng Kabataan,” ani Speaker Romualdez.

“Nagsimula ito bilang isang tahanan para sa mga batang kailangan ng espesyal na pag-aalaga. Naniniwala ang dating unang ginang, at tayong lahat, na ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa kalusugan ng kabataan,” dagdag pa niya.

“Sa bagong yugto ng PCMC, muli nating ibinabalik ang orihinal na layunin nito: itayo ang pinakamahusay na pasilidad para sa mga bata. Gumamit ng pinakamataas, pinaka-sophisticated, at pinakabago o state-of-the-art technology. Magtayo ng tunay na multi-specialty center na gagamot sa pinakamalalang sakit ng ating kabataan, na magiging investment hindi lamang para sa kasalukuyan, kundi para sa susunod na isandaang taon,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Ayon pa sa House leader, “Hindi po ito mangyayari nang basta-basta. Kinailangan ang isa pang Marcos sa Malacañang para muling buuin ang pangarap ng sambayanan na maiangat ang PCMC.”

“Malayo na ang narating ng PCMC. Pero alam nating lahat—mas malayo pa ang mararating nito kung tulong-tulong at sama-sama tayong kikilos, hindi lamang kaming mga taga-Kongreso. Bilang Speaker, kaisa niyo ako at ang buong House of Representatives, hindi lamang sa salita, kundi sa gawa,” giit ni Speaker Romualdez.

Ibinahagi rin ni Speaker Romualdez na pagpasok niya sa ospital ay nakausap niya ang ilang magulang ng mga pasyente.

“Bilang isang ama, alam ko kung gaano kabigat ang pag-aalala ng isang magulang kapag may sakit ang kanyang anak. Pagpasok ko sa ospital kanina, may ilang magulang at batang may sakit akong nakausap. Tagos sa aking puso’t isipan ang bigat ng kanilang pinagdadaanan. ‘Yan po ang dahilan kung bakit priority natin ang pagpaparami ng serbisyo ng PCMC,” aniya.

“Para sa akin, hindi ito basta kwento ng karamdaman. Kwento ito ng paghanap ng lunas. Kwento ng mga batang may leukemia na nangangarap maging guro. Ng mga batang may brain tumor na nangangarap maging arkitekto. Ng mga batang isinilang na may congenital illness, pero hindi kailanman isinuko ang kanilang pangarap,” dagdag pa niya.

Tiniyak niya sa mga kawani ng ospital, mga pasyente at kanilang mga pamilya na hangga’t may batang lumalaban para sa kanilang kinabukasan, tuloy ang suporta ng Kongreso.

“At habang may batang lumalaban, mananatili ang suporta ng Kongreso—walang kapalit, walang kondisyon. Dahil naniniwala tayo: ang kalusugan ng bawat batang Pilipino ay hindi pribilehiyo.

Ito’y karapatan. Ito’y dapat sagot ng bayan,” aniya.

“Mga kasama, sa Bagong Pilipinas, pinapahalagahan ang buhay at kalusugan ng kabataan—dahil sa bawat buhay nakasalalay ang kinabukasan ng bayan,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.