Calendar

Abalos nangakong palalawakinga pabahay sa buong Pilipinas
Nina RYAN PONCE PACPACO & JUN I. LEGASPI
NANGAKO si dating multi-awarded Mandaluyong Mayor at senatorial candidate Benhur Abalos Jr. na palalawakin sa buong bansa ang matagumpay na housing program niya sa Mandaluyong, at iginiit na ang pagbibigay solusyon sa kakulangan sa pabahay sa Pilipinas ang isa sa mga pangunahing prayoridad niya sakaling mahalal sa Senado.
Ayon kay Abalos, naging epektibo ang programang pabahay ng Mandaluyong dahil sa abot-kayang hulugan at mababang interest rate na hindi pabigat sa mga pamilyang mababa ang kita.
“Walang dapat mahirapan magbayad para lang magkaroon ng tahanan,” ani Abalos. “’Yan ang sikreto ng matagumpay na housing program.”
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, umabot sa 7,767 pamilya ang nabigyan ng sariling bahay sa pamamagitan ng iba’t ibang socialized housing programs. Kabilang dito ang medium-rise condominium buildings para sa 1,113 pamilya at ang land-for-the-landless program na nagkaloob ng permanenteng lupa sa 2,366 pamilya. Nasa 2,101 informal settler families na dating naninirahan sa gilid ng Philippine National Railway ang nabigyan ng land titles. Sa pakikipagtulungan ng Mandaluyong sa Gawad Kalinga, 727 pamilya ang nabigyan ng pabahay, habang 1,460 pamilya naman ang nakinabang sa community mortgage program ng lungsod.
“May karapatan na sila sa sarili nilang tahanan,” ani Abalos. “Hindi na sila informal settlers—mga landowner na sila ngayon.”
Binigyang-diin ni Abalos na ang susi sa matagumpay na programang pabahay ay ang abot-kayang bayarin para sa karaniwang Pilipino. Sa Mandaluyong, ang buwanang amortization ay mula ₱1,500 hanggang ₱1,800, depende sa termino ng loan (karaniwang 10 hanggang 25 taon). Para naman sa land title ng 20-square-meter lot sa ilalim ng land-for-the-landless program, nasa ₱250 kada buwan lamang ang hulog, bayaran sa loob ng tatlong taon.
Aniya, epektibo ang modelo dahil hindi lamang ito tumutugon sa usaping tirahan kundi itinuturing itong pundasyon ng inclusive growth.
(Jun I. Legaspi)
Bilang kongresista mula 2004 hanggang 2007, si Abalos ang may-akda ng mga amyenda sa Urban Development and Housing Act of 1992, kung saan pinayagan ang mga lokal na pamahalaan na direktang makabili ng lupa para sa pabahay sa pamamagitan ng negotiated sale. Layunin nitong pabilisin ang implementasyon ng mga pabahay sa mga karapat-dapat na benepisyaryo sa pamamagitan ng pagtanggal ng matagal na proseso at red tape.
Bilang dating Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sinuportahan din ni Abalos ang pagpapatupad ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino o 4PH Program, ang pangunahing inisyatiba ng pambansang pamahalaan upang tugunan ang matinding kakulangan sa disenteng pabahay.
Kapag nahalal sa Senado, sinabi ni Abalos na isusulong niya ang mga batas na magpapaigting sa in-city housing, magpapadali sa proseso ng pagbili ng lupa, at magtitiyak na ang mga informal settler families, low-income earners, at pati na ang mga overseas Filipino workers ay magkakaroon ng access sa disenteng, ligtas, at abot-kayang pabahay.
Iminungkahi rin niya sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magkaroon ng nakalaang alokasyon ang mga OFW sa mga programa sa pabahay ng pamahalaan, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para sa bansa at kanilang mga pamilya.
“Napakarami nang isinakripisyo ng ating mga OFW—para sa pamilya at para sa ekonomiya ng bansa. Karapat-dapat lang na bigyan sila ng patas na pagkakataong makapagsimula muli dito sa sarili nilang bayan—sa pamamagitan ng isang tahanang ligtas at abot-kaya,” ani Abalos.
“Dapat malinaw ang ating layunin: ang mabigyan ng bawat pamilyang Pilipino ng pagkakataong mamuhay nang may dignidad, seguridad, at karangalang may sarili silang tahanan,” dagdag niya.