Octa

Hindi na makahabol mga kalaban ni Yorme, ayon sa Octa

Edd Reyes May 2, 2025
85 Views

SINABI ng OCTA Research na mahirap ng mahabol ng mga kalaban ang malaking lamang sa survey ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso mahigit isang linggo bago ang halalan.

Sinabi ni Prof. Ranjit Rye, tagapagtatag at pangulo ng OCTA Research, na kapos na sa oras sina Manila Mayor Honey Lacuna at Sam “SV” Versoza para habulin ang malaking lamang sa kanila ng dating alkalde.

“Cleanliness, orderliness, at peace and order ang overall na rason kung bakit preferred si Mayor Isko ng mga taga-Maynila.

Hindi naman dahil gwapo siya kundi nakikita ng taumbayan na maaari siyang maging mahusay na alternatibo kay incumbent Mayor Honey Lacuna,” pahayag ni Prof. Rye.

Sa tingin ng OCTA Research na kung noong Huwebes gagawin ang halalan, sigurado ang panalo ng tambalang Moreno at Chi Atienza kahit ano pa umanong black propaganda ang gawin ng kanyang mga katunggali.

Sa pinakahuling resulta ng survey ng OCTA na isinagawa noong Abril 20 hanggang Abril 23 mula sa 710,980 respondents sa anim na distrito ng lungsod, nakopo ni Domagoso ang pangunguna sa 63% voter preference.

Malayo ang bilang ng agwat kay incumbent Mayor Honey Lacuna na may 18% habang 16% naman si Versoza.

“Kahit pagsamahin pa ang numero ng dalawa niyang katunggali, hindi pa rin sasapat sa mataas na voter preference ni Isko,” sabi ni Prof. Rye.

Maging ang katambal ni Domagoso na si vice mayoralty candidate Chi Atienza humataw din sa survey nang makakuha ng 60% voter preference kumpara sa 33% lamang na nakuha ni incumbent Vice Mayor Yul Servo.

Aminado ang OCTA Research na ang kanilang survey ay isang instrumento lamang sa pulso ng bayan at maari pa itong magbago habang papalapit ang eleksyon.