Calendar

DAR, DTI nagsanib; 40 ARBs makikinabang
AABOT sa 40 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa South Cotabato ang makikinabang sa mga makabagong kaalaman sa pagmemerkado, research, analysis, branding at pagbebenta sa training na ginanap mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Trade and Industry (DTI).
Isinagawa ang pagsasanay matapos magsanib-pwersa ang DAR at Department DTI sa South Cotabato para sa implementasyon ng Negosyo Agraryo Eskwela: Modular Marketing Training Program.
Ginanap sa DTI Regional Office XII sa Koronadal City ang pagsasanay na ang layunin bigyan ng kaalaman sa pagmemerkado ang mga ARBs na kasapi ng ARB Organizations (ARBOs).
“Mahalagang matutunan ng ating mga ARB ang tamang kaalaman sa pagmemerkado para sa kanilang tagumpay,” ayon kay DAR Regional Director Mariannie Lauban-Baunto.
“Sa pakikipagtulungan namin sa DTI, matutulungan naming mapalago ang kanilang kita at mapatatag ang kanilang mga negosyo,” dagdag pa niya.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kaalaman at kasanayan, layunin ng DAR at DTI na matulungan ang mga ARB na maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan.
Ipinapakita ng inisyatibong ito ang matibay na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura at sa pag-unlad ng mga kanayunan.
Inaasahang makatutulong ito nang malaki sa mga ARB at sa kanilang mga komunidad, at sa huli’y mag-aambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.