Calendar

Aquabiz model farm sa Lala mapapalago produksyon ng mangingisda
ISANG aquabiz model farm ang itatayo sa Lala, Lanao del Norte upang matulungan na mapalago ang produksiyon ng mga mangingisda sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.
Itatayo ang naturang pasilidad sa pamamagitan ng kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng Department of Agriculture – National Fisheries Research and Development Institute (DA-NFRDI), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) region 10 at lokal na pamahalaan ng Lala.
Layunin ng kasunduan na suportahan ang mga nag-aalaga ng itlog ng isda sa pagtatayo ng aquapreneur model farms sa pamamagitan ng AquaBiz School (ABS) and Technology Business Incubation (TBI) program.
Magsisilbing isang certified training hub ang naturang model farm para sa iba’t-ibang fisheries technologies, pagpapahusay ng technical skills, pagpromote ng innovation, at pagtaas ng produksiyon sa aquaculture sector.
Kabilang sa mga lumagda sa Memorandum of Agreement ay sina BFAR 10 Director Edward Yasay, ABS-TBI Program Leader Dr. Joseph Christopher Rayos, at ABS-TBI Incubatee Benita Maldepeña.
Kasama rin sina Lala Mayor Angel Yap, NFRDI Accounting OIC Evalyn Jabaan, at Marnelli Rubia, kumatawan kay Dr. Casiano Choresca Jr., chief ng NFRDI-Brackishwater Fisheries Research and Development Center (BFRDC).
Nagpasalamat naman si Yasay sa suporta ng lokal na barangay sa inisyatibong ito.
“Ang tilapia culture sa Lala ay hindi lamang nagbibigay ng tamang pagkain at nutrisyon sa mga tao, ito rin ay nagbibigay ng kabuhayan sa mga kapatid nating mandaragat,” ani Yasay.
Samantala, binigyang-halaga naman ni Dr. Rayos ang pagpapanatili ng mga long-term collaboration.
“We stayed as partners before, we stay as partners now, and we will stay as partners. Huwag natin itong bitawan dahil isa ito sa maipagmamalaki natin dahil ito ay banner program ng NFRDI,” ani Dr. Rayos.
Sa ilalim ng kasunduan, makikipag-collaborate ang NFRDI, katuwang ang incubatee sa pagtatayo ng mga model farm.
Kalaunan, magiging certified na demonstration farm ang mga naturang modelo para sa technical training sa iba’-ibang aquaculture technologies at fisheries commodities, upang makamit ang layuning mapadami ang produksiyon ng aquaculture sector.
Bilang incubatee, tutulungan ng NFRDI-BFRDC si Maldepeña sa grow-out culture ng tilapia sa brackishwater ponds.
“This is more than just a project, it’s a step toward lasting progress,” ani Maldepeña.
Sa pamamagitan ng naturang kolaborasyon, pinalakas ng ABS-TBI ang pangako nitong empowerment sa mga mangingisda at pagpromote ng sustainable aquaculture practices.