Calendar

Gen. Marbil sa ‘bad eggs’ sa PNP: Wala kayong puwang sa hanay ng mga parak
KASUNOD ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pananagutan at malinis na pamamahala, pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang laban nito sa mga bulok at tolongges na mga pulis.
Ayon sa PNP, hindi lang matatanggal o makukulong ang mga tinaguriang “bad eggs” ng PNP, kundi sasamsamin din ang mga perang naipon nila mula sa ilegal na transaksyon.
“Marami na kaming napatanggal. Meron na rin tayong napakulong at patuloy na tinatanggal ang mga wala ng puwang sa ating hanay. Ang paglilinis sa PNP tuloy-tuloy at hindi kami titigil,” ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco D. Marbil.
Ang babala ng heneral sa mga parak: “Kung pipiliin niyong ma-involve sa ilegal na gawain, maghanda kayo, hahanapin namin kayo at pati na ang mga ari-arian niyong nakuha mula sa inyong mga krimen.
Susuriin namin ang inyong mga bank accounts at mga ari-arian para mabawi ang mga perang ninakaw niyo. Hindi lang kayo matatanggal o makukulong, sisiguraduhin naming mawala lahat ng inyong pinaghirapan sa pamamagitan ng katiwalian,” ayon sa hepe ng PNP.
Inulit ng chief ng PNP na walang “second chance” para sa mga may kasalanan sa kapulisan at walang sinuman ang nakatataas sa batas.
Nagbabala rin ang hepe ng PNP sa lahat ng establisimyento o indibidwal na nagsisilbing tagapagdala o kasangkapan sa paglilinis ng ilegal na pera o tumutulong sa mga krimen, direkta o hindi direktang kasangkot, na haharap sa buong pwersa ng batas.
Ang mga negosyo o mga financial institution na kasangkot sa pagtatago o pag-facilitate ng illegal proceeds ay pananagutin at kakasuhan.
Hinikayat din ng PNP ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa pamamagitan ng pag-report ng mga kahina-hinalang gawain o ilegal na aktibidad ng mga miyembro ng PNP.
“Walang lugar para sa mga scalawags sa PNP. Ang mga magtatangkang lumabag sa direktibang ito’y haharap sa mga parusa,” sabi ni Marbil.