Parangal

Cebu parak na muntik mautas binigyan ng medalya

Alfred Dalizon May 4, 2025
15 Views

BILANG pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-pugay at suportahan ang mga pulis at lahat ng uniformed personnel, kinikilala ng Philippine National Police (PNP) ang katapangan ng isang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Cebu City Police Office na nasugatan sa engkwentro.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office 7, noong Marso 27, rumesponde si Police Senior Master Sergeant (PSMS) Allain Aballanosa at ang kanyang team sa isang domestic dispute sa Balagtas St., Brgy. Pahina Central, Cebu City kung saan sangkot ang suspek na si alyas Cardo.

Habang inaayos ang sitwasyon sa mahinahong paraan, tinamaan si PSMS Abellanosa ng mga fragment mula sa semento sa kaliwang sentido matapos tamaan ng bala ang pader.

Isa pang nag-ricochet na bala ang tumama sa kanyang kaliwang braso.

Kumilos ang pulis at ang kanyang mga kasama upang ma-neutralize ang banta at matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Pagkatapos nito isinugod sa ospital si PSMS Abellanosa.

Ginawaran siya ni PRO7 director Brigadier General Redrico A. Maranan ng Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kagalingan.

Tiniyak din ng PNP na sasagutin ang lahat ng gastusing medikal ni PSMS Abellanosa at ng kanyang pamilya.

Bukod pa rito, nagbigay rin ng tulong pinansyal ang PNP at inendorso siya para sa meritorious promotion.

Simula pa nang pumasok sa serbisyo noong 2009 bilang miyembro ng PNP Class “IDLAS,” pinangarap na ni PSMS Abellanosa na maging bahagi ng SWAT unit.

Mula nang mapasama siya sa CCPO SWAT team noong 2022, palagi niyang ipinapakita ang dedikasyon bilang isang lingkod-bayan, ayon kay Brig. Gen. Maranan.

Bukod sa pagiging pulis, isa rin siyang mapagmahal na asawa sa kapwa niya miyembro ng PNP at ama ng dalawang batang anak.

Pinuri ni PNP chief Police General Rommel Francisco D. Marbil ang kabayanihan ni PSMS Abellanosa sa isang pahayag.

“Si PSMS Abellanosa ay huwaran ng isang tunay na pulis. Ang kanyang katapangan sa gitna ng panganib sumasalamin sa pinakadakilang tradisyon ng aming hanay.

Ang kanyang kwento ay kwento rin ng PNP—handa kaming mag-alay ng buhay para sa bayan. Kaisa kami ng kanyang pamilya sa pagharap sa panibagong yugto ng kanyang buhay bilang isang bayani,” ayon sa hepe ng PNP.