Martin3 Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Paglikha ng trabaho, seguridad sa pagkain, iba pang pangangailangan ng Pilipino tinututukan ng Kamara — Speaker Romualdez

25 Views

TINIYAK muli ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na nakatutok ang Kamara de Representantes sa paglikha ng mapapasukang trabaho at pagkakaroon ng bansa ng seguridad sa pagkain na siyang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, ayon sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na inilabas kamakailan.

Ayon sa SWS survey na isinagawa mula Abril 11 hanggang 14, 2025, at kinomisyon ng Stratbase Group, 93 porsiyento ng mga Pilipino ang susuporta sa mga kandidato na nagtataguyod ng mas maraming oportunidad sa trabaho at pagpapalakas ng agrikultura upang dumami ang produksyon ng pagkain sa bansa.

“The survey confirms our legislative direction, a direction we have been proactively pursuing in the past months and years,” ayon kay Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong 306 kinatawan.

Binanggit ng pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) na sa nakalipas na dalawang taon, ang Kamara ay nagtaguyod ng mga batas na nagpatibay sa mga hakbang para mapalakas ang sektor ng paggawa sa bansa.

Ang Republic Act (RA) 11962, o ang Trabaho Para sa Bayan Act, ay nagtatag ng National Employment Master Plan na nag-uugnay ng mga kurikulum, pagsasanay at apprenticeship sa tunay na pangangailangan ng industriya.

Upang hikayatin ang malalaking pamumuhunan, ipinasa ang RA 11966, o ang Public-Private Partnership Code of 2023 (PPP Code), na nagtipon ng mga magkakaibang PPP rules at pinabilis ang proseso ng pag-apruba, na nagbibigay ng matibay na legal na suporta sa malalaking proyektong imprastruktura.

Nagkaroon ng paglago sa mga trabaho sa digital economy matapos ang pagpasa ng RA 11967, o ang Internet Transactions Act, na nagtatag ng E-Commerce Bureau upang protektahan ang online buyers at sellers, at gawing mas propesyonal ang e-commerce sa Pilipinas.

Para sa mga lokal na negosyante, ang RA 11960, o ang One Town, One Product Philippines Act, ay nagtatag ng mga targeted design, financing at marketing support upang matulungan ang mga micro, small at medium enterprises (MSMEs) na palaguin ang kanilang negosyo at magbigay ng trabaho sa kanilang komunidad.

“Ang lahat ng batas na ito, kapag pinagsama-sama, ay lumilikha ng isang buong ecosystem na nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa disenteng trabaho,” paliwanag ng pinuno ng Kamara.

Sa harap ng mga isyu ng seguridad sa pagkain, pinagsama ng Kamara ang mga pangmatagalang reporma at agarang tulong.

Ang RA 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act, ay nagtanggal ng P57.56 bilyon na pagkakautang sa land amortization ng 610,054 agrarian reform beneficiaries na nagtatanim sa 1.17 milyong ektaryang lupain.

Ito ay nagbigay sa mga magsasaka ng dagdag na pondo para sa mga binhi, pataba at makinarya, na makakatulong upang mapataas ang kanilang ani.

Upang modernisahin ang sektor ng palay, ang RA 12078, na nilagdaan noong Disyembre 2024, ay nagpalawig ng Rice Competitiveness Enhancement Fund hanggang 2031 at triniple ang taunang alokasyon sa P30 bilyon upang suportahan ang mechanization, certified seed, irrigation at soil-health programs.

“Sa pamamagitan ng condonation law at pinalakas na Rice Fund, binibigyan natin ang magsasaka ng tunay na puhunan, hindi lamang pag-asa,” ayon kay Speaker Romualdez. “Kapag umani sila nang mas marami at mas mura, lahat tayo ay nakatitipid sa palengke.”

Sa pagtugon sa abot-kayang pagkain, sinabi ni Speaker Romualdez na ang Kamara ay sumusuporta sa P20 Rice Program na inisyatibo ng executive branch, na naglalayong mapanatili ang presyo ng bigas sa mga lugar na may mababang kita habang isinasagawa ang logistics para sa nationwide rollout.

“The House of Representatives is fully committed to sustaining and expanding the recently launched P20 Rice Program nationwide. This initiative directly addresses the need for affordable food for every Filipino family, especially the most vulnerable. Through the government’s subsidy, strategic procurement, distribution reform, and partnerships with local producers, we will work to make this program a permanent and reliable pillar of our food security efforts that will go beyond political cycles,” paliwanag pa ni Speaker Romualdez.

“Our efforts are in lockstep with the Alyansa ng Bagong Pilipinas candidates’ platforms—public servants committed to continuity, reform, and responsive governance. Their platform to prioritize livelihoods, support farmers and fishers, and protect the welfare of workers, both here and abroad, reflects the same values driving our legislative work,” ayon pa sa mambabatas mula sa Leyte.

Tiniyak din ng lawyer-solon na sa darating na 20th Congress, tututukan ng pamunuan ng Kamara ang pagpapasa ng mga nakabinbing panukala upang higit pang mapalakas ang job market at matiyak na matibay ang pundasyon ng agricultural modernization at katiyakan ng suplay ng pagkain.

Kabilang dito ang mga panukalang batas na magpapalakas sa suporta para sa MSMEs, magsusulong ng agrarian innovation, at magpapabuti sa mga karapatan at kalagayan ng mga manggagawa.

“This survey is a validation of the path we are already forging—one that leads to decent work, affordable food, and an economy that truly serves all,” diin pa ni Speaker Romualdez. “We remain steadfast in our commitment to legislative actions that uplift the lives of every Filipino.”