NAIA

5-anyos na batang babae, lalaki, 29, dedo agad sa trahedya sa NAIA

Edd Reyes May 4, 2025
34 Views

NAIA1DALAWA ang patay at apat ang nasugatan ng salpukin ng rumaragasang sports utility vehicle (SUV) ang isang entrance door sa departure area ng NAIA Terminal 1 noong Linggo.

Dedo agad ang 5-anyos na batang babae at ang isa pang 29-anyos na lalaki ng pumailalim sa itim na Ford Everest (DCB 3411) na minamaneho ng isang alyas Leo ng Batangas ng biglang rumagasa hanggang sa bumangga sa salamin ng departure area ng NAIA-1

Apat pang mga biktima na hindi nabanggit sa ulat kung pawang mga pasahero o maghahatid ng kanilang kaanak ang isinugod sa San Juan De Dios Hospital bunga ng mga tinamong pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng Aviation Security Group (AVSEGROUP) nagbaba ng pasahero ang SUV driver dakong alas-8:09 ng umaga subalit nang makapasok na sa loob ng NAIA Terminal ang inihatid, bigla na lamang humarurot ang sasakyan at inararo ang mga nakapila papasok sa loob ng terminal.

Sa unang pahayag ng driver ng SUV na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya, nataranta umano siya nang may tumawid daw na sasakyan sa kanyang harapan pero sa halip na preno, gas pedal ang natapakan niya ng mariin kaya humarurot patungo sa mga nakatayong mga biktima.

Labis naman ang panggigipuspos ng ama ng batang babae na sa sobrang galit ay nagwala at tinangkang wasakin ang bakal na railings kaya’t pinagtulungan siyang pigilan ng mga nagresponde ng mga pulis.

Napasugod sa lugar sina Department of Transportation (DoTr) Secretary Vince Dizon at San Miguel Corporation at NNIC Chairman Ramon Ang nang makarating sa kanilang kaalaman ang trahedyang nangyari sa naturang terminal.

Matapos mapanood ang kuha ng mga CCTV sa lugar, sinabi ni DOTr Secretary Vicne Dizon na aksidente ang pangyayari at wala umanong intensiyon ang driver ng SUV na managasa.

Gayunman, sinabi ng kalihim na magsasagawa pa rin ng malalimang pagsisiyasat ang mga tauhan ni P/BGen. Christopher Abecia, Director ng PNP-AVSEGROUP, katuwang ang kapulisan upang alamin ang tunay na pangyayari.

Isasailalim din ang driver ng SUV sa mandatory drug test ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) kahit pa nga hindi siya pumunta sa NAIA-1 upang managasa.

Nagpasalamat din ang kalihim kay Chairman Ang dahil sa pahayag na sasagutin ng SMC at NNIC ang lahat ng gastusin ng mga naging biktima ng trahedya, pati na ang pagpapagamot ng mga nasugatan.

Nanawagan din si Dizon sa mga vlogger na huwag gamitin ang naturang insidente upang makakalap ng maraming views lalu na’t viral ngayon sa social media ang nangyaring malagim na insidente.