Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

Tanong ni DML Ortega kay impeached VP Sara: ‘Ano ba talaga ang naitulong mo sa bayan?’

20 Views

SA gitna ng patuloy na pananahimik ng na-impeach na si Vice President Sara Duterte kung papaano nito ginastos ang kanyang P612.5 milyong confidential funds, napatanong si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kung ano nga ba ang nagawa ng Pangalawang Pangulo para sa bayan.

“Kung ngayon pa lang, hindi mo na maipaliwanag kung sino ang mga peke at katawa-tawang pangalan katulad nina Mary Grace Piattos, Jay Kamote, Pampano at kung sinu-sino pa sa mga confidential funds mo, paano pa sa impeachment trial? Lalo ka lang mababaon,” ani Ortega.

Bukod dito ay nais ding malaman ni Ortega kung ano ang mga nagawa ng Bise Presidente para sa bansa.

“Ano ba talaga ang naitulong mo sa bayan bilang Bise Presidente? Imbes na tumulong, parang puro gulo at pag-iwas ang naging ambag mo,” sabi ni Ortega.

Ayon kay Ortega, ang pagtanggi ni Duterte na magpaliwanag ay hindi lamang insulto sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan kundi isang matinding pagkukulang sa sambayanang Pilipino na may karapatan na malaman kung papaano ginagastos ang kanilang buwis.

“Dahil sa isyu ng pananagutan bilang halal na mga opisyal, hindi mo puwedeng sabihin na ‘ayoko magpaliwanag’ tapos gusto mong igagalang ka ng taumbayan. Ang tunay na lider marunong humarap, hindi nagtatago,” diin ni Ortega.

Dagdag pa ni Ortega, walang kahit anong pambabatikos laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at sa Kamara de Representantes na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang makabubura sa katotohanang si Duterte ay na-impeach dahil sa umano’y pagtataksil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon at matinding paglabag sa tungkulin.

“Naka-base ang mga isyu laban sa kanya sa dokumento at ebidensyang inilabas mismo ng Commission on Audit (COA). Hindi puwedeng panay iwas siya at paninisi. Totoo, hindi gawa-gawa ang mga isyu laban sa kanya, at walang pamumulitika,” ani Ortega.

Noong Pebrero, 215 miyembro ng Kamara ang bumoto pabor sa paghahain ng impeachment laban kay Duterte matapos hindi sagutin ang mga mabibigat na alegasyon laban sa kanya, kasama na kung papaano ginastos ang P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito.

Kasama sa hinihingian ng paliwanag ang P125 milyong confidential fund na ginastos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

“Sa Senado, wala nang takas. Dapat handa siyang sagutin lahat ng mga tanong. At higit sa lahat, dapat handa siyang harapin ang katotohanan,” dagdag pa ni Ortega.