Darwin

Kandidatong na-disqualify, disqualified na talaga

Edd Reyes May 5, 2025
16 Views

IBINASURA ng Commission on Election (Comelec) ang hiling na motion for reconsideration (MR) na inihain ni Manila 2nd District Councilor Darwin Sia hinggil sa kanselasyon ng kanyang certificate of candidacy (COC).

Sa desisyon ng Comelec En Banc, pinagtibay ang naunang resolusyon ng Comelec 2nd Division na nagkakansela sa COC ni Sia matapos mahatulang “guilty” ng Manila Regional Trial Court (RTC) dahil sa paglabag sa RA 7832 o Anti-Pilferage Act na may katapat na parusang pagbabayad ng P10,000.

Nauna ng inilahad sa resolusyon ng Comelec 2nd Division na ang kasong kinaharap ni Sia isang krimen na may kinalaman sa pagpapahamak sa moralidad o “moral turpitude” na may katapat ding parusa na diskuwalipikasyon sa pagtakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan at hindi na rin pwedeng mangasiwa ng anumang tungkulin sa pamahalaan.

Si Sia, na kasalukuyang konsehal ng Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Maynila, tumatakbo sa kanyang huling termino sa ilalim ng partido Aksiyon Demokratiko.

Nakasaad sa inilabas na desisyon ng Comelec En Banc na ipinapaliwanag sa kaso ng La Bugal vs. Ramos na anumang pagtalakay sa inihaing mosyon ay hindi magbibigay ng anumang pakinabang at magiging paulit-ulit lamang ito gayung tinalakay na sa naunang inihaing reklamo.

Nangangahulungan na walang bago sa mosyon na inihain ni Sia dahil natalakay na ito ng 2nd Division.