Calendar

Sen. Tol: Nakakabahala paniniktik ng dayuhan sa PH
NAGBABALA si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa epekto ng mga serye ng mga aktibidad ng panghihimasok ng banyaga na kinasasangkutan ng mga troll farm na may kaugnayan sa China, mga operasyong paniniktik at mga kampanyang digital na disimpormasyon na sumasalakay sa mga institusyon ng bansa.
Inilahad ni Tolentino ang nakakabahalang larawan ng mga sistematikong hakbang upang pahinain ang soberanya ng Pilipinas hindi lamang online kundi pati na rin sa pisikal na mundo.
Sentro ng imbestigasyon ang kumpanyang Infinitus, na iniimbestigahan dahil sa umano’y pagpapatakbo ng troll farms na may koneksyon sa mga dayuhang interes.
Ayon kay Tolentino, patuloy ang pagrerekrut ng mga tinaguriang “keyboard warriors” na may kakaibang kondisyon: “Must have at least 200 followers sa TikTok bago tanggapin.”
Ngunit higit pa rito, mas mabigat ang paratang laban sa naturang kumpanya.
Ipinunto ni Tolentino na ang Infinitus at mga kaalyado nito ay “collaborating with the foreign government to put down our system… Even though in a digital space, it undermines the sovereignty of our country, our institutions, as well as society itself.”
Ayons sa senador, posibleng masampahan ng kasong pagtataksil sa bayan ang mga aktibong kasabwat ng kumpanya.
Pinangalanan pa niya ang dalawang indibidwal na sina Paul Leon at Micah bilang mga sangkot kasama na rin ang iba pang sinasabing opisyales ng kanilang kumpanya na Infinitus.
Ayon kay Tolentino, may mga Chinese national na dapat sanang tetestigo, ngunit hindi ito pinayagan ng korte dahil sa isyu sa “chain of custody” ng sensitibong ebidensiyang nakaimbak sa isang sasakyang nakaseguro.
“Nakabolt doon sa likod ng sasakyan… Hindi pinayagan ng court,” aniya, habang kinumpirma na naroon na sa Senado ang mga dayuhang saksi noong umaga ngunit ipinasya ng korte na hindi sila maaaring humarap o magsalita sa pagdinig.
Binigyang-linaw din ni Tolentino na isang Chinese national ang naaresto para sa espiya noong Abril 29, ilang araw bago ang pagdinig.
Kinilala ang suspek bilang Tak Hoi Lao, na nahuli malapit sa tanggapan ng Commission on Elections sa Intramuros.
Narekober mula sa kanya ang isang Mitsubishi Adventure at isang IMSI catcher—isang high-tech na kagamitan na kayang manghuli ng signal ng cellphone at subaybayan ang mga device sa paligid.
Sa gitna ng pagdinig, nagtanong si Tolentino: “May we know the exact nature of the arrest and the activity being done, as well as the manner of surveillance? Is this related to the numerous arrests, with 19 (alleged Chinese spies) already apprehended?”
Ipinabatid din niya na bagama’t hindi pa ito isang paghusga sa pagkakasala, mahalaga ang mga ebidensyang makakalap upang magsilbing gabay sa mga posibleng panukalang batas, pagsusuri ng mga patakaran at paggamit ng kapangyarihang pang-oversight.
Sa harap ng mga banta ng pagtataksil at paniniktik, at sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya sa espiya, malinaw ang mensahe ni Sen Tolentino para sa bansa at sa mamamayan.
“Patuloy na nagbabago ang anyo ng panganib—at dapat ring umangkop ang mga batas ng bansa,” giit ng senador.