Isko

Manila nanguna sa online class sa term ko–Yorme

Edd Reyes May 5, 2025
16 Views

IPINAALALA ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na Maynila ang kauna-unahang lokal na pamahalaan ang nakapagbigay ng gamit sa online class ng mga estudyante sa pampublikong paaralan noong panahon ng Covid-19.

Ginawa ito ni Domagoso isang araw matapos ihayag ng Department of Education (DepEd) na hindi magkakaroon ng face-to-face classes sa panahon ng pandemya.

”Wala pang isang linggo nakabili na agad tayo ng mahigit-kumulang 200,000 tablets para sa mga estudyante at 11,000 naman para sa ating public school teachers,” pahayag ni Domagoso.

Ayon kay Domagoso, dahil batid niyang may gastos sa pagloload sa mga gadgets, nagbigay din siya ng pocket wifi at SIM card na may load allowance upang hindi na intindihin pa ng mga guro at estudyante ang kanilang kanilang internet.

Maging si dating Education Secretary Liling Briones kinilala rin ang kanyang nagawa nang banggitin sa kanilang pagpupulong na gawing ehemplo ang Maynila.

“Dahil sa ating mga inisyatibo pinarangalan ang Maynila ng DepEd at iba pang organisasyon ng Gawad Edukampiyon for Learning Continuity Innovation for Highly Urbanized City Category,” pagmamalaki ni Domagoso.

“Ginawa ko po ang lahat ng ito para makatawid at makaraos lang tayo sa hirap ng pandemya. Ngayon pinalalabas ng ating mga katunggali na masama ang ating ginawa noon. Mga Batang Maynila na lamang po ang bahalang sumagot sa akin sa Mayo 12,” sabi ni Domagoso.