Calendar

Holdap sa Japanese resto iniimbestigahan; 2 suspek binalik nakulimbat sa mga customer
INIIMBESTIGAHAN ng mga pulis kung totoong holdap ang kumakalat na viral video na naganap sa Japanese restaurant noong Linggo sa Makati City.
Sa naturang video ipinakita ang pagpasok ng dalawang armadong lalaki na ang isa’y nakasuot pa ng asul na uniporme ng isang motorcycle taxi app sa Izakaya Kojiro Resto sa Arnaiz Avenue, Pasay Road at isa-isang sinamsam ang mga gamit ng mga customers.
Sa pahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin, nagtaka sila kung bakit matapos samsamin ang cellular phones ng mga customer, ibinalik ng mga holdaper ang karamihan sa kanilang tinangay, maliban sa wallet ng isang biktima na naglalaman ng P25,000.
“This unexpected act has spurred an inquiry into the suspects’ underlying motive, as it deviates significantly from typical robbery scenarios.
The NCRPO is actively collaborating with the victims, urging them to file formal complaints essential for building a solid case and ensuring accountability,” ayon sa NCRPO.
Ayon naman sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, kasalukuyan na nilang isinasagawa ang imbestigasyon upang makilala ang mga sangkot at tuluyang mabigyang-linaw ang mga pangyayari.
Rumesponde sa lugar ang mga pulis upang magsagawa ng assessment, kumalap ng testimonya mula sa mga saksi, at pagkuha ng CCTV footage mula sa lugar ng insidente at mga karatig na lugar.
Pinaalalahanan din ni BGen. Arguelles ang publiko na umiwas muna sa pagpapalaganap ng hindi pa kumpirmadong impormasyon habang patuloy ang imbestigasyon sa naganap.