Calendar

Lisensya ng 98 drivers binawi ng LTO
SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng 98 na driver ng pampublikong sasakyan na nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot noong Semana Santa.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, bukod sa pagbawi ng lisensya, habangbuhay na ring hindi papayagan ang mga driver na ito—kabilang ang mga tsuper ng bus—na muling makakuha ng lisensya.
“Ang desisyong ito ay kaugnay ng pahayag ni DOTr Secretary Vince Dizon na panahon na upang labanan ang mga pasaway na driver, alang-alang sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada,” ani Asec. Mendoza.
Kasabay nito, binawi rin ng LTO ang lisensya ng driver ng bus na nasangkot sa aksidente sa SCTEX kung saan 10 tao ang nasawi.
Bahagi rin ng parusa sa kanya ang habangbuhay na pagbabawal na makakuha ng lisensya.
Ang pagtanggi ng bus driver na sumailalim sa drug test ang naging batayan ng naturang desisyon.
Sa isang press briefing, sinabi ni Secretary Dizon na ito ang kauna-unahang pagkakataon na naglabas ang LTO ng revocation order para sa ganito karaming PUV drivers.
“Para sa mga driver lalo na sa PUV companies, if you do not think we are serious nagkakamali kayo. Revoke na ‘yang mga lisensyang ‘yan at pinapa-double check ko na sa LTFRB at sa LTO kung talagang hindi na nagmamaneho ang mga yan,” ani Secretary Dizon.
Hinimok ni Asec. Mendoza ang lahat ng motorista na maging disiplinado sa kalsada, kasabay ng mahigpit na babala na seryoso ang LTO sa pagtugis at pagpaparusa sa mga tinaguriang “kamote” driver.