Benhur Abalos

Alyansa nangakong isusulong panukalang pabor sa Pilipino

Jun I Legaspi May 5, 2025
17 Views

Benhur AbalosALYANSA is Pro-Pilipinas,” pahayag ni senatorial candidate Benhur Abalos Jr. habang nangakong isusulong ang mga panukalang pabor sa Pilipino, isang linggo bago ang eleksyon.

“Importante ang sovereignty, ang soberenya ng Pilipinas,” aniya. “Walang sinumang dayuhan ang pwedeng makialam sa eleksyon dito.”

“Piliin natin ang may puso, may alam, at may paninindigan. Tandaan n’yo: ang Alyansa ay Pro-Pilipinas,” diin ni Abalos.

Ipinahayag niya ang pagkabahala sa umano’y lumalalang pagtatangkang impluwensyahan ang proseso ng politika sa bansa, at nagbabala na anumang panghihimasok ng banyaga ay anyo ng kontrol. Nanawagan si Abalos sa mga Pilipino na manatiling mapagmatyag at pumili ng mga pinunong matatag ang paninindigan para sa kalayaan ng bansa.

“Ang Pilipinas ay para sa Pilipino. Walang sinumang dayuhan ang pwedeng makialam sa eleksyon dito. Once mangyari ‘yon it is a form of control. Gusto nila maimpluwensyahan at kontrolin ang ating bansa. Walang sinumang Pilipino ang dapat pumayag dito,” ayon kay Abalos.

Bilang tugon sa isyung ito ng seguridad, nanawagan din si Abalos ng mas malaking pamumuhunan sa seguridad pandagat, partikular sa mga kulang sa pondo na lugar gaya ng katimugang baybaying-dagat at sa West Philippine Sea.

Batay sa kaniyang karanasan bilang DILG Secretary, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng dagdag na pondo para sa Coast Guard at lokal na pwersang pandagat upang mapigilan ang smuggling, mabilis na makatugon sa mga sakuna, at maprotektahan ang karagatan ng Pilipinas.

Binigyang-diin din ni Abalos ang kahalagahan ng pagprotekta sa international sea lanes, alinsunod sa Law of the Sea. “Let’s ensure that this remains in the interest of our Republic, of our people,” aniya, na sinusuportahan din ng kapwa niya kandidato mula sa Alyansa na si Sen. Ping Lacson.

Inilahad din ni Abalos ang kanyang mga plano para sa reporma sa loob ng bansa: alisin ang VAT sa kuryente, ibalik ang kakayahan ng NFA na bumili ng bigas mula sa mga magsasaka, palawakin ang mga programa para sa pagpapakain at mental health sa mga pampublikong paaralan, at gamitin ang Special Education Fund upang masuportahan ang mga estudyante hanggang kolehiyo.

Tungkol naman sa pabahay, sinabi ni Abalos na palalawakin niya ang matagumpay na programang socialized housing ng Mandaluyong upang mabigyan ng marangal na tirahan ang mga pamilyang mababa ang kita sa buong bansa.

“Ang batas ay dapat maramdaman, hindi lang mabasa,” ani ni Abalos.

Hinimok niya ang mga botante na suportahan ang mga lider na may integridad, kaalaman, at paninindigan. “Piliin natin ang may puso, may alam, at may paninindigan. Tandaan n’yo: ang Alyansa ay Pro-Pilipinas.”

Muling binigyang-diin ni Abalos ang papel ng Senado sa paghubog ng patakarang panlabas ng bansa sa pamamagitan ng pag-apruba sa mga tratado.

“The President is always the chief architect of foreign policy,” wika ni Abalos. “But this is a shared responsibility with the Senate, because it is the Senate that ratifies treaties.”

“Paano kung ‘di mo alam ang gagawin mo? Paano if you’re not well-versed with international politics? Baka mapasubo tayo — not only as a family, but as a country,” aniya.

“Kaya nga importante sa mga nakikinig ngayon, pakinggan niyong maigi ang plataporma ng Alyansa. Lahat po ito ay Pro-Philippines, tandaan niyo po ‘yan— as long as we are here.” diin ni Abalos.