Elections Tine-test ng mga empleyado ng Commission on Elections sa Tagumpay Nagaño High School ang mga automated counting machines (ACMs) na gagamitin sa Mayo 12. Nag-supervise si municipal election officer Leonardo Navarro at nakamasid si police head Major Domingo A. Resma Jr. sa testing at sealing ng mga ACMs. Kuha ni Steve Gosuico

Counting machines sa NE aprub na

Steve A. Gosuico May 6, 2025
24 Views

CABANATUAN CITY–Na-test at selyado na ang 296 automated counting machines (ACMs) na gagamitin sa lugar na ito sa Mayo 12 at nakalagak na sa lugar na sanctioned ng Commission on Elections (Comelec).

“Successful ang final testing and sealing sa mga makina. Wala namang naging aberya; 100 percent natapos sa mga schools and we are ready to proceed with the elections on May 12,” sabi ni city election officer Atty. Leylann Generoso Manuel.

Tinanggap ni Atty. Manuel ang deployment sa lungsod na ito ng dalawang dayuhan at isang Filipino counterpart na mga observer-member ng European Union Election Observation Mission to the Philippines (EU-EOM) para sa eleksyon sa Mayo 12.

“Gladly, napili ng European Union ang Cabanatuan City bilang bahagi ng observation team nila para may rekomendasyon sila na may kinalaman sa ating mga electoral processes,” ani Atty. Manuel.

Sinabi niya na dumalo ang mga EU observers sa FTS exercise sa Lazaro Francisco Integrated School na itinuturing na pinakamalaking polling place ng lungsod na may mahigit 20,000 botante.

Sa San Leonardo, sinabi ng Comelec unit doon na walang aberya sa final testing at sealing ng mga ACMs.

“Ok ang lahat ng 56 ACMs, walang problemang nangyari sa 56 clustered precincts natin kung saan may kabuuang 45,858 registered voters,” pahayag ni municipal election officer Leonardo Navarro.

Bilang contingency measure, sinabi ni Navarro na may walong spare ACMs sa kanyang opisina sakaling magkaroon ng emergency breakdown ng makina.

Nasa 66 na sundalo mula sa 70th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division ang naka-deploy bilang augmentation force ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan.