Genuino Dating PAGCOR Chairman Efraim Genuino

Guilty sa graft, malversation: Ex-PAGCOR chief Genuino, 4 pa hinatulan ng mahigit 100-taong pagkakakulong

18 Views

HINATULAN na makulong ng mahigit 100 taon si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Efraim Genuino at apat na dating opisyal, kaugnay ng mga kaso ng graft at malversation sa maanomalyang paggamit ng pondo.

Sa 257-pahinang desisyon na inilabas noong Huwebes, napatunayan ng Sandiganbayan Third Division na guilty sina Genuino, dating PAGCOR president at chief operating officer Rafael Francisco, dating senior vice president Rene Figueroa, dating corporate communications senior vice president Edward King, at dating assistant vice president for internal audit Valente Custodio sa tig-limang kaso ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at tig-limang kaso ng malversation.

Ang hatol sa kanila ay anim hanggang 10 taong pagkakakulong sa bawat kaso ng graft, at permanente na ring pinagbawalan na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Para sa mga kaso na may kinalaman sa maling paggamit ng pondo, magkakaiba ang parusang iginawad sa kanila: 10 hanggang 17 taon sa dalawang kaso, anim hanggang 11 taon sa isa, at reclusion perpetua o 20 hanggang 40 taon sa dalawa pa. Pinagbabayad din sila ng kabuuang P45.17 milyon.

Kahit na umabot sa higit 100 taon ang kabuuang parusa, hanggang 40 taon lamang ang kanilang maaaring pagsilbihan, alinsunod sa Article 70 ng Revised Penal Code.

Ipinag-utos naman ng korte na i-archive ang mga kaso laban kay Ester Hernandez, dating vice president for accounting ng PAGCOR, na kasalukuyang pinaghahanap pa rin. Maaaring muling buhayin ang mga kaso sakaling siya ay maaresto o kusang loob na sumuko.

Napatunayan ng Office of the Ombudsman na sina Genuino at kanyang mga kasamahan ay nagsabwatan upang mailabas ang milyon-milyong pondo ng PAGCOR mula 2005 hanggang 2008 bilang suporta sa BIDA Foundation, na itinatag ni Genuino noong 2003.

Ginamit umano ang pondo sa pagbili ng tarpaulin, t-shirt, sombrero, ID cards at iba pang promotional materials, pati na sa mga aktibidad na inorganisa ng BIDA.

Ayon sa korte, hindi dumaan sa public bidding o tamang proseso ng procurement ang mga transaksiyon, kundi gumamit ng “shopping” o small-value procurement na walang sapat na batayan.

“Most notably, there was a lack of public bidding,” ayon sa desisyon, na binanggit ang halagang lampas sa limitasyon para sa alternatibong pamamaraan ng procurement.

Nauna nang kinuwestiyon ng Commission on Audit ang mga transaksiyon, na sinabing hindi maayos na na-liquidate ang mga gastusin.

Sa kabila nito, napawalang-sala naman sina Genuino at iba pa sa 14 pang kaso ng graft at 15 bilang ng malversation na may kaugnayan sa ibang transaksiyon, kabilang ang P44.05 milyon donasyon sa mga pribadong organisasyon, P26.7 milyon para sa mga tiket ng pelikulang Baler noong 2008, at P63 milyon para sa mga BIDA-related advertisement mula 2008 hanggang 2009.

Ayon sa korte, nabigo ang mga tagausig na patunayan beyond reasonable doubt ang pagkakasangkot ng mga akusado sa mga kasong ito.

Nauna nang sinabi ng Ombudsman na ginamit ni Genuino ang pondo ng PAGCOR para tulungan ang BIDA Foundation na tumakbong party-list subalit hindi nanalo noong 2010 elections.