BI Source: Bureau of Immigration

2 human trafficker arestado ng BI, nagtangkang maglabas ng 13 Pinoy sa PH

Jun I Legaspi May 14, 2025
17 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkaka-aresto sa dalawang human traffickers na nagtangkang maglabas sa bansa ng 13 Pilipino—karamihan ay kababaihan—na ilegal na pinapunta sa Japan para magtrabaho.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, na-intercept ng mga immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang grupo noong Mayo 9.

Kinabukasan, inaresto naman ng National Bureau of Investigation – International Airport Investigation Division (NBI-IAID) ang mga recruiter.

Ang pagkaka-aresto ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na palakasin ang proteksyon sa mga nagnanais maging overseas Filipino workers (OFWs) laban sa pagsasamantala.

“Ang pagkaka-arestong ito ay malinaw na patunay ng pangako ng IACAT (Inter-Agency Council Against Trafficking) na protektahan ang mga Pilipino laban sa mga sindikato ng human trafficking, alinsunod sa utos ng Pangulo,” ani Viado.

“Bilang inter-agency body, patuloy naming binabantayan ang mga kaso ng pang-aabuso, kabilang na ang maling pagrepresenta ng mga technical internship program,” dagdag pa niya.

Ang dalawang recruiter—isang Filipina at isang Japanese national—ay nahuli matapos tangkaing isakay ang grupo sa isang Cebu Pacific flight papuntang Nagoya.

Naunang nakatanggap ng impormasyon ang BI mula sa Department of Migrant Workers (DMW) tungkol sa kahina-hinalang aktibidad ng mga ito.

Sa isinagawang secondary inspection, nadiskubre ng mga immigration officer na biktima ng illegal recruitment ang 13 katao.

Nilinlang umano ang mga ito na magpanggap bilang technical interns upang makapasok ng trabaho sa Japan.

Ang mga suspek ay isinailalim na sa imbestigasyon ng IACAT at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Pinuri ni Viado ang mabilis at magkakatuwang na aksyon ng kanilang mga frontline officer at ng IACAT, at binigyang-diin na ito na ang ika-16 na matagumpay na pagkaka-aresto ng human traffickers ngayong 2025.

“Pinapasalamatan namin ang aming mga katuwang at binabati ang aming mga opisyal sa kanilang pagiging alerto,” ani Viado.

“Para sa mga trafficker at illegal recruiter—hinding-hindi palalampasin ng administrasyong ito ang inyong mga krimen,” diin pa nito.