Sunog

2 patay, 5 sugatan sa sunog sa Calooan

Edd Reyes May 15, 2025
21 Views

DALAWA ang nasunog at lima ang nasugatan sa mahigit 5 oras na sunog na tumupok sa 70 bahay at establisimyento noong Miyerkules sa Caloocan City.

Unang nakita ang bangkay ng 62-anyos na lalaki habang Huwebes na ng umaga nahukay ang labi ng 16-anyos na babaing estudyante ng Manila Central University (MCU) na na-trap din sa loob ng nasunog na mga bahay sa Natividad St., Brgy. 81.

Nagtamo ng mga paso sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga nasugatan sa MCU Hospital, kabilang ang isang fire volunteer na nakuryente.

Sa ulat ng Caloocan Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog alas-4:49 ng hapon sa bahay ng isang alyas Melanie na negosyante ng prutas at may-ari ng inuupahang bahay ng nasawing lalaki.

Mabilis ang pagkalat ng apoy dahil bukod sa hindi makapasok ang mga bumbero sa napakasikip ng lugar, dikit-dikit ang mga kabahayan na karamiha’y gawa sa light materials.

Pasado alas-6:00 ng gabi ng ideklarang kontrolado na ang sunog bago naapula ng alas-9:57 ng gabi.

Aabot sa 90 pamilya ang nawalan ng tirahan na ngayo’y pansamantalang nasa covered court ng barangay.

Tinatayang P300,000 halaga ng mga ari-arian ang natupok ng apoy, ayon sa report.

Natuklasan sa imbestigasyon na karamihan sa mga kabahayan gumagamit ng jumper sa kanilang kuryente.