Calendar

SCO vs driver na bumangga sa Cavite, ikinasugat ng 5
SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang drayber at may-ari ng kotse na sangkot sa aksidente sa Noveleta, Cavite na ikinasugat ng limang biktima.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapaglabas na ng show cause order (SCO) laban sa may-ari ng Toyota Vios at sa babaeng drayber ng sasakyan noong naganap ang insidente.
“Ayon sa paunang ulat, nawalan umano ng malay ang babaeng drayber habang nagmamaneho.
Nais naming malaman ang buong pangyayari at habang isinasagawa ang imbestigasyon, pansamantala munang suspendido sa loob ng 90 araw ang kanyang lisensya,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa imbestigasyon ng LTO, binabaybay ng Toyota Vios ang kalsada patungo sa Cavite City nang bigla itong bumilis at bumangga sa kasalubong na sasakyan.
Matapos ang banggaan, makikita sa video na umatras pa ang sasakyan at muling umarangkada, na tinamaan ang ilang pedestrian at isang poste ng ilaw.
Lumiko ang sasakyan patungong poblacion ng Noveleta at muling bumangga sa nakaparadang traysikel.
Dahil sa insidente, ang lahat ng nasugatang indibidwal, kabilang ang babaeng drayber na nawalan ng malay, isinugod sa iba’t-ibang ospital para sa medikal na atensyon.
Sa naturang SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante, inatasan ang babaeng drayber na magsumite ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanyang lisensya dahil sa reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Kasama rin sa ipinatawag ang rehistradong may-ari ng sasakyan upang magsadya sa opisina ng LTO kasama ang drayber para sa isinasagawang imbestigasyon.
“Naka-alarm na ang driver’s license at plate number ng sasakyan. Nangangahulugang bawal muna itong iproseso sa kahit anong transaksyon habang iniimbestigahan,” ayon sa SCO.