Pacquiao nagpasalamat sa mga taong tumulong, sumuporta sa kaniya

Mar Rodriguez May 18, 2025
17 Views

BAGAMA’T nabigo si Pambansang Kamao at dating Senador Manny “Pacman” Pacquiao na makabalik sa Senado matapos itong matalo sa nakalipas na May 2025 mid-term election sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial ticket, nagpaabot pa rin siya ng taos pusong pasasalamat para sa lahat mamamayang Pilipino na hindi siya pinabayaan sa panahon ng kampanya partikular na ang libo-libo nitong supporters na walang sawa at walang pagod na tumulong sa kaniya.

Pagbibigay diin ni Pacquiao na hindi sa panahon ng kampanya at nagdaang halalan natatapos ang lahat sapagkat magpapatuloy aniya ang laban pati narin ang pagbibigay nito ng serbisyo para sa mga mahihirap.

Sabi ng dating senador na hindi man siya nagtagumpay sa pagnanais nitong makabalik sa Senado, lubos naman amg pasasalamat nito para sa mga taong nanalangin at sumuporta sa kaniya kasama na umano ang mga taong naniniwala sa kaniyang adbokasiya.

“Tuloy ang laban. Tuloy ang serbisyo. Mula sa aking puso, maraming salamat po, hindi man ako nagtagumpay sa Senado. Lubos ang aking pasasalamat sa bawat boto, dasal at suporta,” wika ni Pacquiao.

Naninindigan din ang tinaguriang “boxing icon” na hindi magbabago ang kaniyang paninindigan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng puso para sa mga mahihirap na Pilipino lalo na ang pagmamahal sa ating bayan.

“Ang puso ko ay mananatiling nasa bayan. At ang pangarap ko para sa bayan na mai-ahon ang bawat pamilyang Pilipino ay hinding-hindi magbabago,” pahayag pa ni Pacquiao.

Nagpahayag din si Pacquiao ng pagbati para sa mga nanalong Senador lalo na ang kaniyang mga kasamahan sa APBP.

“Taos puso rin ang aking pagbati sa lahat ng nanalo. Nawa’y maging tapat, makatao at makabuluhan ang inyong paglilingkod para sa ating bayan,” dagdag pa nito.