Tai Sina NHA General Manager Joeben A. Tai at Ombudsman Atty. Samuel R. Martires. Source: NHA

Lote mula NHA magsisilbing annex ng Office of the Ombudsman main bldg.

Jun I Legaspi May 18, 2025
19 Views

KASABAY ng pagdiriwang ng ika-37 na anibersaryo ng Office of the Ombudsman ay nagsagawa ang National Housing Authority (NHA) ng isang ceremonial signing ng Deed of Absolute Sale at issuance of Transfer Certificate of Title nitong Biyernes, Mayo 16, 2025.

Ang nasabing aktibidad ay ang pormal na pagtransfer ng 5,772 square meter lot–na matatagpuan sa North Triangle, Diliman, Quezon City mula sa NHA patungo sa Office of the Ombudsman. Ang lote ay nagsisilbing annex ng Office of the Ombudsman Main Building na nagsisilbing extension ng frontline services ng huli.

Sinimulan ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang kanyang mensahe sa isang pagbati para sa pagdiriwang ng anniversary ng Ombudsman. Binigyang-pugay niya rin ang kahanga-hanga at hindi matatawarang serbisyo nito para sa publiko.

“At NHA, we are grateful and honored to be part of the expansion of your office here in Quezon City. It is our sincere hope that this advancement will significantly contribute to the improved working condition, overall well-being, and welfare of dedicated civil servants of your institution [Kami ay tunay na nagpapasalamat na maging bahagi ng expansion ninyo ng inyong tanggapan dito sa Quezon City. Taos-puso kaming umaasa na ang inisyatibang ito ay makatutulong nang malaki sa pagpapabuti ng kalagayan sa pagtatrabaho, pangkalahatang-kagalingan, at kapakanan ng mga dedikadong civil servants ng inyong institusyon],” pagbabahagi rin ni GM Tai.

Kasama niya sa panig ng Ahensya si NHA NCR-East Sector at Quezon City District Office (QCDO) Officer-in-Charge Ar. Monn Alexander Ong.

Para naman kay Ombudsman Atty. Samuel R. Martires, ang property transfer na ito ay isang “milestone” na maaaring makapag-ambag sa pangmatagalang pangako ng ahensya na itaguyod ang transparency at accountability para sa kapakanan ng bawat Pilipino.

Nakasama naman ni Atty. Martires para sa Office of the Ombudsman sina Deputy Ombudsman Jose M. Balmeo Jr., Assistant Ombudsmen Caesar D. Asuncion, Asryman T. Rafanan, Janet Leah M. Ramos, Finance and Management Information Office (FMIO) Officer-in-Charge Adorie T. Cornito, at Central Administrative Service (CAS) Director Violeta L. Agustin.