Pope Leo

Mga bagong lider hinimok yakapin diwa ng paga-asa sa pag-upo ni Pope Leo XIV

20 Views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa mga bagong halal na lider ng Pilipinas na yakapin ang diwa ng muling pagsisimula at pag-asa, kasabay ng makasaysayang pag-upo ni Pope Leo XIV bilang bagong pinuno ng Simbahang Katolika.
“Pope Leo XIV’s inaugural mass today holds great importance for many Filipino Catholics as it represents the formal beginning of his papal ministry,” saad ni Gatchalian. “Similarly, the country is about to commence a new chapter following the fresh mandate accorded to many of our national and local officials — many of whom are newly elected leaders.”

Binigyang-diin ng senador na ang bagong kabanata sa pamumuno ng Simbahan ay dapat maging gabay sa mga opisyal ng pamahalaan na nagsisimula rin ng kanilang mga termino. “Nawa’y maging inspirasyon ang bagong Santo Papa sa ating mga lider tungo sa tapat at makataong paglilingkod,” dagdag pa niya.

Idinaos ang inaugural mass ni Pope Leo XIV noong Mayo 18 sa St. Peter’s Square sa Vatican. Sa seremonyang dinaluhan ng libo-libong deboto at mga lider mula sa iba’t ibang panig ng mundo — kabilang sina U.S. Vice President JD Vance, U.S. Secretary of State Marco Rubio, at Ukrainian President Volodymyr Zelensky — iginawad sa bagong Santo Papa ang mga simbolo ng kanyang kapangyarihan: ang pallium at ang Ring of the Fisherman.

Si Pope Leo XIV, na isinilang bilang Robert Francis Prevost at dating Prefect ng Dicastery for Bishops, ay tumindig sa kanyang unang homiliya upang itampok ang mga adhikain ng habag, paglilingkod, at espiritwal na pagbabagong-loob. Tumugma ito sa panawagan ni Gatchalian para sa mga lider ng pamahalaan na mamuno nang may malasakit at moralidad.

Sa panig ng maraming Katolikong Pilipino, ang simula ng isang bagong papado ay may dalang malalim na kahulugan — hindi lamang bilang isang relihiyosong pangyayari kundi bilang paalala ng pananagutan at pagkakaisa.
Kaya naman sa panahong ang bansa ay muling bumubuo ng direksyon sa pamahalaan, iginiit ni Gatchalian na ang halimbawa ni Pope Leo XIV ay dapat magsilbing tanglaw sa pagganap ng makabuluhang serbisyo publiko.