PBBM

Mga senador na sang-ayon sa Cabinet reset ni PBBM nadagdagan

19 Views

LUMALAWAK ang suporta sa Senado para sa panukalang Cabinet reset ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan hinikayat niya ang lahat ng miyembro ng Gabinete na maghain ng courtesy resignation.
Layunin nitong repasuhin ang pamumuno sa mga ahensya ng gobyerno at tiyaking tumutugma ang kanilang trabaho sa bagong direksyon ng administrasyon.

Ipinahayag ni Senador Lito Lapid ang kanyang buong suporta sa hakbang ng Pangulo.

“Pinapupurihan natin si Pang. Bongbong Marcos, Jr. sa kanyang apela sa mga Cabinet Secretary na mag-resign sa pwesto para ma-reorganisa ang mga ahensya ng gobyerno,” ani Lapid.

Dagdag pa niya, nararapat lamang na ang Pangulo ang magpasya kung sino ang dapat manatili sa posisyon, lalo na pagdating sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

“Ipinauubaya na natin kay Pangulong Marcos ang desisyon kung sino ang mas karapat-dapat na manungkulan sa mga ahensya ng pamahalaan, lalo na sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap.”ani Lapid.Samantala, kinatigan ni Senador Sherwin Gatchalian ang nasabing hakbang at binigyang-diin na may karapatan ang Pangulo na palitan ang mga opisyal na hindi epektibo.

“The President has to look at the performance of every Cabinet secretary. If he sees that some are not delivering, he has every right to replace them,” aniya.

Gayunpaman, iginiit niyang hindi dapat maantala ang pagpapatupad ng mga programa habang isinasagawa ang mga pagbabago.

Ayon sa Presidential News Desk, inilarawan ng Pangulo ang panawagan bilang isang “decisive move to recalibrate” kasunod ng midterm elections.

“This is not business as usual,” diin ni Marcos. “The people have spoken, and they expect results—not politics, not excuses.”

Binigyang-diin din niya na hindi ito usapin ng personalidad kundi ng pagganap at agarang tugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Sa gitna ng reorganisasyon, tiniyak ng Malacañang na magpapatuloy ang mga serbisyo ng gobyerno at ang mga susunod na itatalaga ay ibabatay sa merito at kakayahang maghatid ng tuluy-tuloy na serbisyo.

Ang pahayag ng suporta mula kina Lapid at Gatchalian ay sumasalamin sa tumitibay na panawagan para sa pamumunong may pananagutan at malinaw na layunin sa serbisyong publiko.