Yanna

Lisensya ni Yanna Motovlog suspendido pa rin, motor dapat isuko

Jun I Legaspi May 24, 2025
49 Views

IPINAHAYAG ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation Secretary Vince B. Dizon, na mananatiling suspendido ang lisensya sa pagmamaneho ni Yanna Motovlog hangga’t hindi nadadala sa tanggapan ng ahensya sa Central Office sa Quezon City ang motorsiklong ginamit niya sa insidente ng viral road rage sa Zambales.

Ang patakarang ito ay malinaw na nakasaad sa resolusyong pirmado ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kaugnay ng kaso ni Yanna Motovlog matapos mag-viral sa social media ang in-upload niyang video ng pakikipagtalo sa isang pick-up driver.

Ipinabatid ito kay Yanna Motovlog noong Biyernes, Mayo 23, nang siya’y nagtungo sa LTO Central Office upang personal na kunin ang kopya ng resolusyon kaugnay ng mga ipinataw na parusa sa kanya, kabilang na ang multang ₱2,000 para sa reckless driving at ₱5,000 para sa paggamit ng motorsiklo na walang side mirror.

Ayon kay Renante Melitante, hepe ng LTO Intelligence and Investigation Division, nakipagpulong siya kay Yanna Motovlog kung saan ipinaliwanag nito ang dahilan ng hindi niya pagdalo sa dalawang nakaraang pagdinig.

Nauna na nitong sinabi na isyung pangseguridad ang dahilan kaya’t ang kanyang abogado na lamang ang ipinadala niya sa halip na siya ang humarap.

Sa nasabing pulong, ipinaliwanag ni Melitante kay Yanna Motovlog na kailangang isuko ang motorsiklo dahil sa hinalang hindi ito rehistrado, lalo’t wala itong plakang nakakabit.

Naibigay naman kay Yanna Motovlog ang kopya ng resolusyon kaugnay ng kanyang mga kaso, ngunit hindi pa siya nagbayad ng mga multa.

Binigyang-diin naman ni Asec. Mendoza ang kahalagahan ng pagsunod sa mga batas trapiko, lalo na ang pagiging magalang at disiplinado sa kalsada upang maiwasan ang abala at gulo.

“Maliwanag ang bilin ng ating Pangulo na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng road users. Wala tayong palalampasin dito,” ani Asec. Mendoza.