Parak

Hero’s welcome, boodle fight iginawad sa 197 parak sa PRO-3

Bernard Galang May 24, 2025
57 Views

Parak1CAMP OLIVAS, City of San Fernando–Binigyan ng Police Regional Office 3 (PRO-3) ng hero’s welcome ang 197 na pulis matapos ang kanilang deployment sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong May 12 elections.

Ginanap ang hero’s’ welcome bilang pagkilala sa kahusayan at integridad ng mga pulis sa pagtupad ng tungkulin sa isang lugar na may mataas na banta sa seguridad.

Iginawad sa kanila ang “Medalya ng Kadakilaan” (PNP Heroism Medal).

Ayon kay PRO-3 director P/Brig. Gen. Jean Fajardo, ang medalya simbolo ng sakripisyo at kagitingang ipinakita ng mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

“Ang pagbibigay ng Medalya ng Kadakilaan pagkilalang karapat-dapat lamang sa inyong ipinakitang katapangan, malasakit at dedikasyon para sa kapayapaan at kaayusan ng ating bansa,” pahayag ni Fajardo.

Ang mga pinarangalang pulis mula sa Regional Mobile Force Battalion 3, mga Provincial at City Mobile Forces at iba pang yunit ng PRO-3 na naatasang magpatupad ng seguridad sa mga voting centers, magsagawa ng checkpoints, at tiyakin ang maayos at ligtas na halalan sa mga critical areas sa BARMM.

Isang boodle fight ang isinagawa bilang pasasalamat, camaraderie at pagkilala sa serbisyo ng mga nagbalik na pulis.