Yorme

Yorme Isko: Kotongerong traffic enforcer sibak na, kakasuhan pa

Edd Reyes May 24, 2025
21 Views

PERSONAL na pangangasiwaang muli ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang panghuhuli sa mga nangongotong na traffic enforcers sa mga lansangan sa Lungsod ng Maynila.

Sinabi ng alkalde na dati na niyang ginagawa ito noon sa kahabaan ng Roxas Boulevard tuwing madaling araw sa pamamagitan ng pagpapalit niya ng sasakyan upang hindi makahalata ang mga kotongerong traffic enforcers na ang binibiktima ay mga cargo at delivery trucks na nagde-deliver ng produkto sa Maynila.

Muli aniya niyang ipapatupad ang “one-strike policy” sa mga mahuhuling nangongotong na hindi lang sibak sa kanilang trabaho kundi kanila pang sasampahan ng kaso.

Nanawagan din si Yorme Isko sa mga operators at driver ng mga delivery truck na huwag mahihiya o mangingiming isumbong ng personal sa kanya ang mararanasang pangongotong ng mga traffic enforcers o maging ng mga kawani at opisyal ng city hall upang kaagad niya itong maaksiyunan.

“Open governance naman tayo. In the past during my time, nakakapasok naman sila sa city hall, small and big businesses ordinaryong tao, nakakausap ako,” sabi ng alkalde.

Tiniyak niya na lahat ng magsusumbong o magbibigay ng impormasyon laban sa anumang nagaganap na katiwalian o pangongotong sa ilalim ng kanyang administrasyon ay mananatiling lihim ang pagkakakilanlan bilang seguridad sa kanilang katauhan.

Magiging aktibo rin aniyang muli siya sa social media kung saan puwdeng ipadala ang mga personal message ng mga magsusumbong o magbibigay ng impormasyon na hindi malalantad ang kanilang pagkatao.

“Nagamit ko na noon ng husto yan kaya hindi nila ko nato-tolongges, mga taga city hall o alinmang enforcement unit, civilian man o uniform personnel,” dagdag pa ni Yorme.