Calendar

DMW, OWWA tiniyak patuloy na tulong, suporta sa pamilya ng OFWs na nasawi sa Myanmar
TINIYAK ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta sa mga naiwang pamilya ng apat na overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa lindol sa Myanmar.
Pinangunahan nina OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan at DMW Assistant Secretary Regina Galias ang pagsalubong sa mga labi ng mga nasawing OFWs sa lungsod ng Pasay nitong nakaraang weekend, kasama ang kanilang mga naulilang pamilya.
“Ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni Secretary Hans Leo J. Cacdac, sisiguraduhin naming maibibigay ang lahat ng kinakailangang tulong at suporta sa mga naiwang pamilya sa gitna ng kanilang pagdadalamhati,” ani Administrator Caunan.
Ang Philippine Embassy sa Yangon, sa pakikipagtulungan ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bangkok, ang nag-ayos ng repatriation ng mga labi ng OFWs na nasawi sa pagguho ng Sky Villa building dulot ng 7.7 magnitude na lindol na yumanig sa Mandalay, Myanmar noong Marso 28, 2025.
Bago ang repatriation, personal na nakipagpulong si Secretary Hans Leo J. Cacdac sa mga pamilya upang ipaabot ang taos-pusong pakikiramay, suporta, at tulong mula kay Pangulong Marcos.
Nabigyan na ng pinansyal na tulong mula sa DMW AKSYON Fund ang mga pamilya, at patuloy na bibigyan ng kaukulang serbisyo at suporta, kabilang na ang mga programa para sa reintegration.