Calendar

Koreano nakitang nakakabit sa kable ng kuryente, patay
ISANG Korean national noong Sabado ang namatay dahil sa pagkakakuryente sa loob ng kanyang tahanan sa Mexico, Pampanga.
Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, sinabi ni Pampanga police director Col. Jay Dimaandal na ang nasawi ay 67 anyos, ng Bgy. Tangle, Mexico, Pampanga.
Sa inisyal na pagsisiyasat, lumabas na ang live in partner na Pinay ng dayuhan ay kumatok sa pintuan ng kanilang bahay ngunit walang tugon na nag-udyok sa kanya na gamitin ang kanyang susi para makapasok.
Pagpasok sa loob ng bahay, natagpuan niya ang dayuhan na wala nang buhay sa sahig na may nakakabit na electrical wiring sa katawan nito.
Agad niyang inalis sa pakakasaksak ang plug ng wire at humingi ng tulong sa mga kapitbahay at ipinaalam ang pangyayari sa pulisya.
Nabatid ng mga rumespondeng pulis na walang palatandaan ng sapilitang pagpasok at buo ang lahat ng personal na gamit ng namatay.