Calendar

Kongresistang kaalyado ng Lakas-CMD nadagdagan ng 5

Kuha ni VER NOVENO

Kuha ni VER NOVENO

Kuha ni VER NOVENO

Kuha ni VER NOVENO

Kuha ni VER NOVENO
NADAGDAGAN ng lima ang bilang ng mga kongresistang kaalyado ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa paparating na 20th Congress.
Pinangasiwaan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD, ang panunumpa bilang mga miyembro nina Representative-elect Leandro Leviste (Independent) ng Unang Distrito ng Batangas, Mauricio Domogan (Independent) ng Lone District ng Lungsod ng Baguio, at John Tracy Cagas (NP) ng Lone District ng Davao del Sur.
Noong Martes, pinangasiwaan din ni Speaker Romualdez ang panunumpa nina Representative-elect Edwin Crusado (PMP) ng Unang Distrito ng Cotabato at Reynaldo Salvacion (Independent) ng Lone District ng Marinduque.
Sinaksihan ng mga miyembro ng Kamara at iba pang opisyal ng Lakas-CMD ang kanilang panunumpa.
Sa kanilang pagpasok, umakyat na sa 108 ang bilang ng mga miyembro ng Lakas-CMD sa Kamara para sa susunod na Kongreso.
Nanumpa rin kay Speaker Romualdez bilang bagong miyembro ng Lakas-CMD sina Erik Martel (Independent), mayor-elect ng Abucay, Bataan, at dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog.
Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga bagong miyembro ng partido sa kanilang desisyong sumali sa Lakas-CMD.
“Your decision means that you share—as we all in Lakas-CMD do—the aspiration of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. for our people to have a better life and to sustain our country’s economic growth,” aniya.
Dagdag pa niya, pinatatag din ng kanilang pagsali ang suporta sa Kongreso para kay Pangulong Marcos Jr., sa kanyang lehislatibong adyenda, at sa mga programa at layunin ng Bagong Pilipinas.
Ipinahayag ng lider ng Kamara ang kaniyang pag-asa na magkakaroon ng makabuluhan at masaganang pakikipag-ugnayan ang limang mambabatas sa Lakas-CMD at sa mga kasapi nito.
Sinabi rin ni Speaker Romualdez na inaasahan niya ang mas malalim na talakayan at samahan sa pagitan nila.
“I am joining Lakas just as it was my mother’s first party when she was elected senator in 1998,” ani Legarda Leviste. “It feels meaningful to return to these roots at a time when unity and progress are needed most.”
Ang ina ni Leandro, si Senador Loren Legarda, ang naging pinakabatang senador na nahalal noong 1998 at nagsilbing Pangalawang Pangulo ng Lakas para sa Visayas sa edad na 38. Si Leandro ay limang taong gulang pa lamang noon.
Ang bilang ng Lakas-CMD ay one-third na ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kamara.
Ayon kay Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, tiyak na umano ang suporta ng hindi bababa sa 285 miyembro ng Kamara para manatili si Speaker Romualdez bilang pinuno ng mababang kapulungan sa susunod na Kongreso.