Poe

Senado: Proteksyon ng mga hayop pinatibay, di pinahina

35 Views

MARIING giniit nina Senador Grace Poe at Pia Cayetano na mas pinalalakas, hindi pinahihina, ng bagong Animal Welfare Bill ang proteksyon para sa mga hayop, sa gitna ng mga kritisismong kumakalat sa publiko.

Inaprubahan ng Senado ang panukala sa ikatlong pagbasa noong Hunyo 2. Layon nitong palawakin ang saklaw ng umiiral na batas, taasan ang mga parusa sa mga lumalabag, at bumuo ng hanay ng Animal Welfare Enforcement Officers (AWEOS) upang tiyakin ang mas matatag na implementasyon sa lokal na antas.

Sinabi ni Senador Grace Poe, pangunahing may-akda ng panukala, na hindi nito binabawasan ang anumang kasalukuyang proteksyon.

“We are strengthening the law, not watering it down,” giit ni Poe. Kabilang sa mga bagong probisyong isinama ay ang pagsaklaw sa mga hayop na nasa pagkabihag, mas mabigat na parusa sa pang-aabuso at kapabayaan, at ang pagtatatag ng AWEOS bilang mga tagapagpatupad ng batas.

Binigyang-linaw din niya na layunin ng panukala na tugunan ang mga puwang sa implementasyon ng batas at hindi ito sumasalungat sa mga prinsipyong nagtatanggol sa karapatan ng mga hayop.

Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala si Senador Pia Cayetano kaugnay ng mga maling interpretasyon ng panukala na umanoy nagpapahina ng proteksyon.

“It bothered me that there were these concerns being raised that made it appear that instead of the welfare of animals being protected, it was the opposite that was happening,” aniya.

Ipinunto ni Cayetano na hindi naipasa ng Senado kailanman ang anumang panukalang nagpapababa sa karapatang pantao—para man sa kababaihan, kabataan, o mga hayop.

“I am not aware that the Senate has ever passed a measure that would lessen protections—whether it’s protection for women, protection for children, or protection for animals,” dagdag niya.

Dahil dito, iminungkahi ni Cayetano kay Poe na magsagawa ng mas malinaw na pampublikong paliwanag tungkol sa nilalaman ng panukala upang maiwasan ang kalituhan.

“It might be good for the public to understand what is in this bill… so that even our colleagues would understand the importance of this bill and clarify any misconceptions,” paliwanag niya.

Tugon ni Poe, handa siyang ipaliwanag nang mas detalyado ang panukala, para sa parehong mga mambabatas at mamamayan.

Ipinunto rin niya na ang AWEOS ay magsisilbing katuwang upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng mga batas hinggil sa kapakanan ng hayop sa mga pamayanan. Kabilang din sa tinutugunan ng panukala ang mga isyu sa pagkulong ng hayop, hindi etikal na pagpaparami, at regulasyon ng mga negosyo sa pet industry.

Kasunod ng pag-apruba sa Senado, isusulong na ito sa House of Representatives para sa mas malalim na deliberasyon.

“The goal of the Senate is to promote the welfare of animals. That’s clear,” pagtatapos ni Cayetano.