Calendar

Dy balik sesyon para tumutok sa mga nakabinbing trabaho sa Kamara
PAGKATAPOS tutukan ni House Assistant Majority Leader at Isabela 6th District Representative Faustino “Inno” A. Dy V ang nagdaang eleksiyon matapos itong mahalal bilang mayor ng lalawigan, balik sesyon naman ang kongresista para makibahagi sa pagtalakay sa mga nakabinbing panukalang batas sa Kamara.
Sabi ni Dy na kabilang sa mga panukalang batas na tinalakay sa Plenaryo ng Mababang Kapulungan ay ang pagpapatigil sa mga illegal na online sabong kung saan ipinahayag nito na panahon na para puksain ang nasabing illegal na sugal.
Pagbibigay diin ng Isabela solon na maraming kabataan ang nasisira ang buhay bunsod ng pagkakulong sa illegal na online sabong. Habang ang iba naman aniya ay halos maubos ang kanilang kabuhayan dahil sa walang kontrol na pagsusugal.
Bukod dito, ipinabatid pa ni Dy na tinalakay din ang panukalang pagdaragdag ng mga Regional Trial Courts (RTC) upang mapabilis ang proseso ng hustisya sa bansa.
Ayon kay Dy, hindi nakakapagtaka kung bakit mabagal ang paggawad ng hustisya para sa napakaraming biktima dahil sa kakulangan ng mga RTC na didinig sa iba’t-ibang mga kaso. Kaya napaka-halaga na maisabatas ang nasabing panukala para sa mabilis na pagbibigay hustisya.