PDEA Source: PDEA

PDEA saludo sa mga mangingisdang nagsuko ng P3B shabu

Alfred Dalizon Jun 7, 2025
19 Views

PINURI ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa pangunguna ni Director General Isagani Nerez, ang mga mangingisda na nagsuko ng mahigit P3.3 bilyong halaga ng shabu na natagpuan na palutang-lutang sa dagat.

“Ang mga mangingisdang ito ay matapang na tumindig laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagsuko ng multi-bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu na kanilang natagpuan sa karagatan ng Pangasinan at Zambales,” ani Nerez.

Tinukoy niya ang grupo ng mangingisda na nagsauli sa mga awtoridad ng 267 plastic packs na puno ng shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P1.816 bilyon.

Natagpuan ang mga ilegal na droga sa baybayin ng Brgy. Dacap Sur sa Bani; Brgy. Boboy sa Agno; at Brgy. Luciente 1 at Balingasay sa Bolinao.

Noong Lunes naman, 10 mangingisda mula Brgy. Sisiman sa Mariveles, Bataan ang nagsauli rin ng 10 sako na may laman na 222.655 kilos ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.5 bilyon.

Natagpuan ang shabu na palutang-lutang sa dagat malapit sa Masinloc, Zambales noong Mayo 29.

Ayon kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jean Fajardo, iniulat ng mga mangingisda ang kanilang “misteryosong huli” pagdating sa pampang.

“Pinili nilang gawin ang tama. Karapat-dapat lamang na kilalanin ang kanilang pagiging mapagmatyag,” dagdag pa ni Nerez.

Pinuri rin ni Usec. Nerez ang matatag na kooperasyon ng PCG sa pangunguna ni Admiral Ronnie Gil Gavan at ng PNP sa pamumuno ni Gen. Nicolas D. Torre III upang mapigilan ang mga tangkang samantalahin ang mga baybaying bahagi ng bansa para sa drug smuggling.

Ayon pa sa kanya, ang operasyon ay patunay ng matibay na inter-agency collaboration upang isakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang pambansang seguridad sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay sa mga baybayin.

Ang insidente nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ng komunidad at ang kahandaan ng mga mamamayan na makiisa laban sa droga.

Patuloy ang imbestigasyon ng PDEA, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, upang matukoy kung saan nagmula ang nasabing droga at kung sino ang responsable sa pagkakatapon nito sa karagatan.

Tiniyak ni Usec. Nerez ang determinasyon ng PDEA na pangalagaan ang sambayanang Pilipino laban sa banta ng iligal na droga, sa tulong ng komunidad, maritime stakeholders at iba pang law enforcement agencies.