Calendar

Otoridad sa NAIA nakasamsam ng P16M na Ketamine, Kush
MAHIGIT P16 milyon na halaga ng hinihinalang Ketamine at Kush ang nasamsam ng mga ahente ng Ninoy Aquino International Airport-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) noong Huwebes, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, bandang ala-1:00 ng hapon natuklasan ang mga kontrabando sa Central Mail Exchange Center sa Domestic Road, Pasay City.
Nadiskubre ang ilan sa mga padalang galing sa ibang bansa na may lamang hindi bababa sa tatlong kilo ng hinihinalang Ketamine na tinatayang nagkakahalaga ng ₱15.125 milyon, habang ang iba naglalaman ng 858 na gramo ng hinihinalang Kush na nagkakahalaga ng ₱1.124 milyon.
Ayon sa PDEA-National Capital Region Office, idineklara bilang ‘Brand Shirt Pack’ ang unang parcel mula sa Estados Unidos.
Subalit sa isinagawang inspeksyon, natagpuang may laman itong vacuum-sealed na plastik na may humigit-kumulang 240 gramo ng Ketamine.
Ang ikalawang parcel mula sa Thailand naglalaman ng tatlong kahon na may kabuuang 618 na gramo ng Kush, habang ang ikatlong parcel mula sa Poland may lamang limang plastik na bag ng 3,053 gramo ng Ketamine.
Dumaan muna sa x-ray screening ng Bureau of Customs ang tatlong parsela at agad na minarkahan bilang kahina-hinala.
Dahil sa kawalan ng claimant sa loob ng ilang buwan, idineklara ang mga ito bilang abandoned o inabandona.
Sa bisa ng kautusan mula sa Bureau of Customs, isinagawa ang K9 inspection ng PDEA Airport Interdiction Unit at positibong natukoy ang presensya ng mga delikadong droga, kaya isinagawa ang masusing inspeksyon at kalauna’y kumpiskasyon ng mga ito.
Ang mga indibidwal na sangkot bilang shipper at receiver ng mga nasabing parsela kasalukuyan nang iniimbestigahan at haharap sa mga kasong kriminal sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.