Calendar

Laban vs transnational crimes papalakasin ng PNP, PCTC
NAGSIMULA na ang panibagong serye ng talakayan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Center for Transnational Crimes (PCTC) upang mas mapalakas ang communications strategy ng bansa at paigtingin ang laban kontra transnational crimes katuwang ang Interpol.
Si PNP Public Information Office chief Brigadier General Randulf T. Tuaño ang isa sa miyembro ng delegasyon ng PNP na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa mga directorate ng Intelligence, Operations, Police-Community Relations, Investigation and Detective Management at Community Affairs and Development Group sa pulong.
Ang nasabing pagpupulong ay bahagi ng unang sesyon ng Interpol Project Vanguard B na pinangungunahan ni Noel Baraceros bilang kinatawan ni PCTC Executive Director Anthony Alcantara.
Dumalo rin sa pulong ang mga opisyal mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) bilang pagpapakita ng matibay na suporta sa pandaigdigang kooperasyong pulis at mga inisyatibong nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga law enforcement agencies.
Pandaigdigang inisyatiba ang Interpol Project Vanguard B na naglalayong patatagin ang ugnayan sa komunikasyon ng mga kapulisan sa iba’t-ibang bansa at itaas ang antas ng international law enforcement visibility sa pamamagitan ng strategic collaboration.
Sa paglulunsad ng Asia Subdivision nito, nagbibigay na ngayon ang Project Vanguard B ng plataporma para sa mga eksperto sa komunikasyong pulisya sa rehiyon upang magbahagi ng mga pinakamahusay na praktis, magkaisa sa mensahe at tumulong sa pagbuo ng pandaigdigang communications strategy ng Interpol.