Calendar
Sen. Risa nagbabala sa kalituhang idudulot ng hakbang ng Kamara
DEADLOCK?
Mariing tinutulan ni Senadora Risa Hontiveros ang naging hakbangin ng Senado na ibalik sa Mababang Kapulungan ang Articles of Impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon sa kanya, hindi ito kinakailangan bagkus ay maaari rin itong magdulot ng kalituhan at makasira sa tiwala ng publiko sa proseso ng impeachment.
Sa isang panayam sa DZBB Super Radyo, binigyang-diin ni Hontiveros na ang aksyon ng Senado ay hakbang paatras:
“Nag-convene ang court para doon sa impeachment trial ni VP Sara… at dapat hindi paurong. Hindi naman kami PBA finals. Bakit ganyan ang nangyari? Impeachment court kami,” aniya, habang ipinahihiwatig ang pagkadismaya sa tila hindi seryosong paghawak sa proseso.
Batay sa ulat, nakapagsimula na ang Senado bilang isang impeachment trial court—kasama rito ang pag-apruba ng mga tuntunin at pagpapadala ng summons kay Bise Presidente Duterte.
Gayunpaman, isang gabi bago ang itinakdang pagpapatuloy ng proseso, ipinasang mosyon na nag-aatas na ibalik muna sa Kamara ang mga dokumento, upang humiling ng sertipikasyon na nasunod ang mga probisyong konstitusyonal, kabilang ang “one-year bar” sa pagpa-file ng higit sa isang reklamong impeachment sa loob ng isang taon.
Para kay Hontiveros, labis nitong ginulo Ang sitwasyon kung saan ay Ipinaliwanag niyang sa halip na ibalik pa ang mga papeles, maaaring direkta na lamang sanang humiling ng sertipikasyon mula sa mga tagausig ng Kamara.
“Napakadaling gawin po, napakabilis gawin. Ang certificate ay isang simpleng bagay,” aniya, habang iginiit na hindi kailangang maantala ang buong proseso dahil dito.
Sa katunayan, nagbabala ang senadora na maaari itong magbunga ng mas malalang epekto.
“Kung yan ang gusto nila, hindi na kailangan yung return to the House of Representatives,” giit niya. Idinetalye rin niyang inihain na ng kampo ni VP Duterte sa Korte Suprema ang usapin ng konstitusyonalidad, kaya’t wala nang dahilan para hadlangan pa ang Senado sa pagtupad ng tungkulin nito.
Sa kabila ng pahayag ng ilang senador na hindi ito nangangahulugang pagtigil ng proseso, pinunto ni Hontiveros na ang mismong pananalita ng ilan ay tila kabaligtaran.
“Sa pahayag mismo nina Senators-Judges Imee at Dela Rosa… nagre-refer sa dismissal at lack of jurisdiction… hindi ba gaslighting yung nangyari?” tanong niya, sabay pagpuna sa pagkalikong mensahe na ipinaparating sa publiko.
Nang tanungin kung mauuwi ito sa deadlock, maingat ngunit mariin ang tugon ng senadora:
“’Yan ang ayaw talaga naming mangyari… Dapat nga ayon dun sa approved motion namin nung Lunes, ngayong araw ng Miyerkules, ay ipipresenta na yung Articles of Impeachment sa amin.”
Gayundin, muling iginiit ni Hontiveros at ng minoryang bloke ang kanilang dedikasyon na ituloy ang paglilitis, alinsunod sa mandato ng Konstitusyon.
“Ang layunin ko, layunin namin ay iusad pasulong yung trial… at higit sa lahat, paano malalaman ng taongbayan [ang totoo] kung hindi kami umusad sa halip na umurong?”
Sa pagtatapos, binigyang-linaw ni Hontiveros na ang Korte Suprema pa rin ang may huling desisyon sa mga usaping konstitusyonal. Subalit sa ngayon, aniya, patuloy nilang isusulong ang kanilang tungkulin bilang mga senator-judges:
“Yung diwa ng pagtalima namin bilang Senate impeachment trial court… yan ang aming isusulong sa loob ng Korte.”

