Calendar
Driver sa killer aksidente sa Tacloban sinuspindi lisensya
SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na papanagutin ang mga pasaway na motorista, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber ng pampasaherong sasakyan na sangkot sa aksidente sa Tacloban City noong Hunyo 10.
Ayon kay LTO Region 8 Regional Director Ledwino Macariola, naglabas ng show cause order laban sa nasabing drayber para magpaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanyang lisensya dahil sa umano’y reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Ang nasabing kautusan ay nag-ugat sa aksidenteng naganap sa Airport Road sa Barangay San Jose, Tacloban City, kung saan bumangga ang pampasaherong sasakyan sa isang poste ng ilaw na nasa gitnang bahagi ng kalsada, ayon kay LTO chief Atty. Vigor Mendoza III.
Dahil sa insidente, dalawang pasahero ang nasawi habang ilan pang iba ang nasugatan.
Sa halip na tumulong, tumakas ang drayber matapos ang insidente.
Ayon kay Macariola, ang pagtakas ng drayber ay may kaakibat na parusa sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
“Ang iyong Driver’s License ay pansamantalang suspendido sa loob ng 90 araw mula sa pagtanggap ng kautusang ito,” dagdag pa nito.

