Dump Truck Source: File photo

3 lalaki sinunog dump truck sa Nueva Ecija

Bernard Galang Jun 17, 2025
25 Views

ISANG dump truck noong Lunes ang sinunog ng tatlong suspect sa Maharlika Highway sa Bgy. Piut, Carranglan, Nueva Ecija.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ng Nueva Ecija police ang mga biktima na sina Faustino Paeste, 47, ng Bgy. San Miguel, Natividad, Pangasinan; at Mhar Agbayani, 27, ng Cacandungan, Natividad, Pangasinan.

Nagsumbong sa Nueva Ecija police ang mga biktima na minamaneho nila ang isang Howo dump truck na may plate number na NEO 1902 at nang makarating sa lugar ng insidente ay pinahinto sila ng tatlong kalalakihan.

Nang ihinto nila ang trak, inutusan sila ng tatlong armadong suspek na bumaba sa sasakyan saka sinunog ang dump truck.

Ang mga suspek ay tumakas matapos ang pagsusunog.

Rumesponde ang magkasanib na tauhan ng Carranglan police at BFP Carranglan sa lugar ng insidente upang matukoy ang sanhi ng sunog at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.