Bomb Agad ding ipinag-utos ni Sta. Cruz Mayor Egay San Luis ang imbestigasyon sa umano’y bomb threat at pansamantalang sinuspinde ang klase sa mga paaralan. Kuha ni GIL AMAN

Bomb threat sa paaralan sa Laguna kumalat sa socmed

Gil Aman Jun 18, 2025
22 Views

Sta. Cruz, Laguna — Isang imbestigasyon sa pangunguna ng OIC Laguna Provincial Director na si P/Supt. Ricardo Dalmacia ang ginagawa kaugnay ng “bomb threat” na kumalat sa social media.

Ang naturang banta ay umalingawngaw sa ilang paaralan at maging sa Laguna Provincial Capitol matapos umano itong ibahagi sa Facebook.

Dahil dito, sinuspinde ang mga klase sa ilang paaralan kabilang ang Pedro Guevarra Memorial National High School na malapit lamang sa kapitolyo. Hindi rin ito nakaligtas sa nasabing banta.

Samantala, nanawagan si halal na Gobernadora Sol Aragones sa pamunuan ng Laguna Police na agarang tukuyin ang pinagmulan ng bomb threat upang maisampa ang nararapat na kaso at mapanagot ang responsable.

Bagaman pansamantalang binigyan ng pahinga ang kasalukuyang administrasyon, sinabi ni Gov. Aragones na labis na nakakabahala ang insidente dahil malaki ang naging abala at pagkaantala ng serbisyo ng kapitolyo para sa mga mamamayan ng lalawigan.

Naglabas naman ng paglilinaw si Laguna Governor Ramil Hernandez kaugnay ng bomb threat at mga kaukulang hakbangin para sa kaligtasan. Ayon sa kanya, walang kautusan mula sa pamahalaang panlalawigan na kanselahin ang operasyon. Ito raw ay pansamantalang sinuspinde lamang upang magsagawa ng inspeksyon, at kapag napatunayang ligtas ay agad na magbabalik sa normal na operasyon.

“Hindi ito biro. Manatiling kalmado, alerto at mapagmatyag,”ani Hernandez