Rape

Suspek sa gahasa sa Dasmarinas natunton sa Quezon matapos ang 10 taon

Edd Reyes Jun 19, 2025
17 Views

SA District Jail ng Gumaca, Quezon, natunton ng pulisya ang wanted na pugante na 10-taon umanong nagtago matapos akusahan ng panggagahasa sa menor-de-edad na biktima sa Dasmariñas City.

Hindi nag-atubiling bumiyahe patungo sa Quezon ang mga tauhan ni outgoing Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan matapos matanggap ang impormasyon na nakapiit sa Municipal District Jail ng Gumaca ang 28-anyos na nahaharap sa kasong panghahalay.

Alas-11:35 Miyerkules ng tanghali nang maisilbi ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD kay alyas “Tonyo” ang inilabas na warrant of arrest ni Dasmariñas City Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Perla B. Cabrera-Faller ng Branch 90 para sa kasong paglabag sa Article 26-A ng Revised Penal Code in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na may petsang Pebrero 22, 2015.

Sa kabila ng mabigat na kasong kinakaharap, naglaan pa rin ng piyansang P200,000 ang korte para sa pansamantalang paglaya ni alyas Tonyo na mananatili pa rin sa Gumaca District Jail habang wala pang inilalabas na kautusan ang korte para sa paglilipat sa kanya sa Dasmariñas City Jail.