Calendar

Pekeng dentista tiklo sa Zambo
ISANG 19-anyos na lalaki mula sa Zamboanga Sibugay na nagpapanggap umano bilang isang “dentista” ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isinagawang entrapment operation noong Miyerkules, ayon kay PNP-ACG Director, Brigadier General Bernard R. Yang kahapon.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Azon,” na isinailalim sa surveillance matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na siya ay nag-aalok ng mga hindi awtorisadong serbisyong dental sa mga residente ng lugar. Kabilang sa mga serbisyong ito ay bunot ng ngipin, pagpapaputi ng ngipin, at paggawa ng pustiso.
Dakong 2:20 ng hapon noong Miyerkules, nagsagawa ng entrapment operation ang mga undercover operatiba mula sa Zamboanga Sibugay Provincial Cyber Response Team na humantong sa pagkakaaresto ng suspek.
Nahaharap si “Azon” sa kasong paglabag sa Section 33(a) ng Republic Act No. 9484 o ang Philippine Dental Act of 2007, kaugnay ng Section 6 ng RA No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kasunod ng pagkakaaresto sa pekeng dentista—na pinakahuli sa mga nahuli ngayong taon—muling nanawagan si Brig. Gen. Yang sa publiko na maging mapanuri sa mga nagpapanggap na doktor.
Pinuri rin niya ang Zamboanga Sibugay cybercops sa matagumpay na operasyon.
“Mag-ingat sa paggamit ng mga serbisyong iniaalok online. Tandaan, ang mga pekeng dentista ay maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan, kabilang na ang komplikasyon, pagkalat ng impeksyon, at pangmatagalang pinsala sa ngipin. Kung may nalalaman kayong nag-aalok ng hindi awtorisadong serbisyong dental, agad itong i-report sa pinakamalapit na opisina ng ACG para sa nararapat na aksyon,” ani Yang.