Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Langis

Akmang buwis sa langis sa gitna ng tensyon sa ME panawagan

384 Views

IGINIIT muli ni Senate President Francis Chiz Escudero ang pangangailangan ng batas na magbibigay kapangyarihan sa ehekutibo na iakma ang mga buwis sa petrolyo lalo na’t tumataas ang presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Tinukoy niya ang sigalot sa Iran at Israel bilang dahilan ng volatility sa merkado ng langis at hinikayat ang Kongreso na muling isaalang-alang ang tinatawag na “standby authority”.

“Imumungkahi naming muli ‘yang standby authority na ‘yan sa pagpapasok ng Kongreso,” aniya.

Ipinaliwanag ni Escudero na ang TRAIN Law ay dati nang nagpapahintulot sa pansamantalang pagbabago sa excise tax ngunit ito ay nag-expire noong 2020. “Kailangan ng panukalang batas nga para magawa ‘yon,” dagdag niya.

Bagama’t may mga panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law, iminungkahi ni Escudero ang mas praktikal na solusyon gaya ng standby tax authority.

Nilinaw rin niyang ang Pangulong Marcos jr., ay walang kapangyarihang suspendihin ang buwis habang naka-recess ang Kongreso ngunit maaaring pansamantalang baguhin ang taripa kung may nananatiling duties sa petrolyo.

Inihayag niyang kabilang ito sa mga panukalang batas na kanyang ihahain pagpasok ng Ika-20 Kongreso. “Ang pagdedebatehan na lamang ay ‘yong threshold amount,” aniya, na maaaring ibatay sa presyo kada bariles o reference tulad ng MOPS.

Ipinahayag rin ni Escudero na wala siyang isinasagawang lobbying upang mapanatili ang kanyang posisyon sa harap ng nalalapit na reorganisasyon sa pagbubukas ng Ika-20 Kongreso taliwas sa haka haka ng iba.

Binigyang-linaw ni Escudero na ang mga haka-haka tungkol sa diumano’y mga hakbang upang mapanatili ang kanyang liderato, kabilang na ang isang almusal kasama sina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at incoming Senator Rodante Marcoleta ay pawang kathang isip lamang.

Aniya, “Hindi kami nag-meeting, kumain kami. Magkaiba ‘yon,” at iginiit na ito ay isang kaswal na pagtitipon at walang halong pulitika.

Samantala, kinumpirma naman ni Senator elect Francis Kiko Pangilinan na nakatanggap sila ng mensaheng humihikayat ng suporta para sa pananatili ni Escudero, ngunit mariin naman itong itinanggi ng huli na siya ay sangkot sa nasabing pakikipag ugnayan.

“Sa parte ko, wala pa akong nakukuhang message na gano’n,” wika ni Escudero na nagsabing walang nagaganap na ganitong bagay.

Ipinaliwanag ni Escudero na likas at natural lamang na may mga pag-uusap sa pulitika lalo na’t may mga bagong kasapi sa Senado. “Hindi naman porket magkikita kami ayun lang pag-uusapan namin… magkakaibigan kami noon man o ngayon,” aniya.

Binigyang-diin niyang bahagi ng proseso ng bagong Kongreso ang pagpili ng Senate President. “Ito’y panibagong botohan talaga para sa 20th Congress kung sino ang mamumuno sa Senado,” at idinagdag niyang handa siyang muling manilbihan: “I will not shirk from that responsibility.”

Wala pa rin aniyang pormal na kahilingan para sa mga committee assignments. Dahil may 41 komite ngunit 24 lamang ang mga senador, patuloy ang mga konsultasyon sa tamang distribusyon.

Inaasahang magaganap ang reorganisasyon ng Senado bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa huling bahagi ng Hulyo.

Bilang paghahanda sa State of the Nation Address sa Hulyo 22, inilatag ni Senate President Francis Chiz Escudero ang mga prayoridad na panukala.

Sa kanyang pananaw, ang SONA ay dapat maghatid ng totoo at malinaw na ulat ng kalagayan ng bansa.

“Sabihin ang tunay na kalagayan ng bansa… at ‘yong direksiyon, mithiin, pangarap at layunin na gusto niyang marating,” aniya.