Motor Source: Tangkawayan MPS

Sanggol na bagong silang naipit sa kadena ng motorsiklo, dedo

Zaida Delos Reyes Jun 26, 2025
273 Views

KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng bagong silang na sanggol matapos maipit ang murang katawan nito sa kadena at gulong ng motorsiklong sinasakyan nito sa Tagkawayan, Quezon.

Naganap ang aksidente nitong Miyerkules sa kahabaan ng Quirino highway, Barangay Rizal, Tagkawayan, Quezon.

Ayon sa ulat ng Tagkawayan PNP, papauwi na sana ang biktima kasama ang kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa Barangay Pasay Del Gallego, Camarines Sur galing sa ospital nang maganap ang aksidente.

Sakay ng motorsiklo, hindi namalayan ng ina ng biktima na lumaylay ang kumot na nakabalot sa sanggol kaya’t nang umandar ang motorsiklo ay nilamon ng kadena nito ang nakalaylay na kumot na naging sanhi ng biglaang pagkakahulog ng biktima at pagkakaipit nito.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar at pinagtulungan pa nilang maialis sa pagkakaipit sa gulong at kadena ang biktima at isinugod sa pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Napag-alaman na tatlong araw palang na nasisilayan ng sanggol ang mundo nang maganap ang aksidente.