Pekeng ‘dentista’ nasakote ng NBI

430 Views

ARESTADO at deretso sa selda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pekeng dentista, makaraang mahuli ito ng NBI-Eastern Visayas Regional Office (NBI-EVRO) sa Abuyog, Leyte.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric B. Distor ang suspek na si Alvin Sy, nasa hustong edad.

Ayon kay Dir. Distor, nakakuha ng impormasyon ang NBI-EVRO hinggil sa suspek na umano’y “practicing dentistry” at wala umanong government license.

Base na rin sa surveilance ang mga tauhan ng NBI-EVRO, sa mismong sa bahay ni Sy nagaganap ang mga transaksiyon sa Brgy. Nalibunan, Abuyog.

Base sa hininging sertipiko mula sa Professional Regulatory Commission (PRC) kung ang suspek ay lisensiyadong dentista, wala umanong pangalan si Sy mula sa records ng dentistry at hindi otorisadong magpractice.

Agad nagtungo ang mga operatiba ng NBI sa bahay ng suspek, Pebrero 2 at nakumpirma na walang PRC ID at license na hawak ang suspek saka dinakip.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 5, Section 33 ng RA 9484 o Philippine Dental Act of 2007.