Calendar
House prosecution itinangg paratang ni VP Sara na impeach tungkol sa politika
ITINANGGI ng House prosecution panel ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang inihaing impeachment complaint laban sa kanya ay dahil sa politika.
“Hindi ho ito pamumulitika,” ayon sa tagapagsalita ng panel na si Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, bilang tugon sa sinabi ni VP Duterte sa Russian state media RT na ang kanyang impeachment ay politically motivated.
Sinabi ni Bucoy na ang kasong isinampa laban kay Duterte ay resulta ng pormal na imbestigasyon at suportado ng beripikadong mga natuklasan at matitibay na dokumento, malayo sa uri ng walang-basehang pulitikal na atake na inilarawan ng Pangalawang Pangulo.
“Ang pamumulitika ho, walang basehan, gumawa ka ng kathang-isip na reklamo. Hindi ho ito kathang-isip eh. Totoo ito. Imbestigasyon ito. May mga findings ito, supportado ng ebidensya,” giit ni Bucoy.
Dagdag pa niya: “So paano naging pamumulitika ka? Ang pamumulitika, you pull something out of thin air. Gumawa ka, nagkathang-isip ka ng reklamo. Ito, hindi ito kathang-isip. Totoo, may ebidensya eh. So hindi ito pamumulitika.”
Ang impeachment complaint, na inendorso ng 215 miyembro ng Kamara—malayo sa kinakailangang one-third—ay inaakusahan si Vice President Duterte ng paggawa ng graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na krimen.
Kabilang sa seryosong alegasyon ang umano’y maling paggamit ni Duterte ng P612.5 milyon sa confidential at intelligence funds, kabilang ang P125 milyon na ginastos ng Office of the Vice President sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Ngunit ayon sa prosecution panel, ang kanyang pormal na tugon ay naglalaman lamang ng pangkalahatang pagtanggi at hindi direktang tumutugon sa mga paratang.
Nag-convene na ang Senate impeachment court, ngunit hindi pa rin nagsisimula ang aktwal na paglilitis.

