Calendar
Pagtiyak sa seguridad ng OFWs sa ME hiniling sa gitna ng tigil-putukan
HINIMOK ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang mga ahensya ng pamahalaan na manatiling alerto at maagap, sa kabila ng kasalukuyang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa pahayag nitong Hunyo 26, kinilala ni Estrada ang kasunduan bilang isang “crucial step toward de-escalating tensions,” ngunit iginiit niyang hindi pa rin garantisado ang kapayapaan. Binanggit niya ang pangangailangan ng patuloy na aksyon para sa seguridad ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan.
“I urge our concerned government agencies — the Department of Foreign Affairs (DFA), the Department of Migrant Workers (DMW) as well as our Philippine embassies in Israel and Iran — to remain in close coordination and continue actively monitoring the situation on the ground,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalagang may nakahandang ligtas na daanan para sa agarang paglikas kung muling sumiklab ang tensyon. “Kailangang tiyakin natin na ligtas anumang oras at may safe corridors o evacuation routes na maaasahan ang ating mga kababayan sakaling sumiklab muli ang gulo sa Gitnang Silangan.”
Epektibo mula Hunyo 24 ang tigil-putukan, kasunod ng tumitinding alitan ng militar ng dalawang bansa. Bagamat may pag-asa para sa diplomatikong resolusyon, binigyang-diin ni Estrada na dapat unahin pa rin ang kapakanan ng mga Pilipinong nasa labas ng bansa.

