Belgian

Oil depot, refinery target itayo sa PH ng Belgian-based firm

7 Views

ISA pang dayuhang kompanya, ang Brightside Industries Group, LLC mula Belgium, ang nagpahayag ng kagustuhang magtayo ng oil refinery at depot o imbakan ng langis sa bansa, ayon kay Senador Erwin Tulfo.

Sa liham na ipinadala kay Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy, sinabi ng Brightside na walang ilalabas na pera ang Pilipinas para sa pagpapatayo ng nasabing imbakan ng langis.

Kahalintulad ng alok ng Brightside ang panukala ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) ng United Arab Emirates.

Tingin ni Tulfo, tulad ng ADNOC, nais din ng Brightside na mag-imbak ng langis sa Pilipinas para maibenta sa ibang bansa sa Asya.

Noong Oktubre 29, pinangunahan umano ni Tulfo ang delegasyon ng Pilipinas sa pakikipag-usap sa ADNOC sa Abu Dhabi hinggil sa planong oil storage hub. Wala pa umanong nabubuong pormal na kasunduan dito.

Ayon kay Tulfo, “mas maganda na mas maraming kompanya ang maglagay ng oil depot at refinery sa ating bansa kasi nakatitiyak tayo na hindi na tayo mauubusan ng suplay kung sakaling magkakagulo muli sa Middle East.”

“Pero ang Department of Energy (DOE) natin ang dapat na kausapin nila para sa pormal na negosasyon at kasunduan,” giit ng senador.

“I think very willing ang Belgian firm na ito na makipagkasundo agad sa DOE,” dagdag pa niya.

Aniya, “pero siyempre kailangang alamin din ni DOE Sec. Sharon Garin kung ano terms ng Brightside since no money out ang gobyerno natin dito.”