Calendar
Lacson, pinuri ang pulisya sa paghahain ng reklamong murder vs 3 suspek sa pagpatay sa Basilan judge
PINURI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pulisya matapos itong maghain nitong Sabado ng reklamong murder laban sa tatlong suspek na iniuugnay sa pagpatay kay Basilan Regional Trial Court (RTC) Judge Joseph Wee Sit sa Zamboanga City noong Huwebes.
Sa isang post sa X nitong Sabado ng gabi, sinabi ni Lacson na ganitong tahimik, disiplinado at sistematikong pagtatrabaho ang susi sa paglutas ng mga high-profile na kaso.
“This is how high-profile cases are cracked: silent, precise, disciplined, and with methodical efficiency. No fanfare; just results. Congratulations!” aniya.
Isinampa ng pulisya ang reklamo sa Zamboanga City Prosecutor’s Office. Ayon sa mga ulat, kabilang sa mga inirereklamo ang hinihinalang gunman, ang umano’y nagmaneho ng motorsiklo, at ang drayber ng ikalawang sasakyang ginamit umano sa pagtakas.
Sinabi umano ni P/Lt. Col. Shellamie Chang, tagapagsalita ng Police Regional Office 9 (PRO-9), na bunga ang reklamo ng case buildup ng Special Investigation Task Group (SITG) Wee Sit.
Nakasandig umano ito sa mga judicial affidavit, o sinumpaang salaysay ng mga testigo, at sa documentary at forensic evidence.
Ang prosecutor’s office ang magpapasya kung may sapat na batayan para iakyat ang kaso sa korte.
Si Wee Sit, presiding judge ng RTC Branch 2 sa Isabela City, Basilan, ay pinagbabaril umano ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang nagmamaneho sa Tumaga-Putik Road sa Barangay Tumaga bandang alas-5:25 ng umaga noong Nobyembre 12. Papunta umano siya noon sa pantalan para sumakay ng barko pa-Isabela City. Anim na tama ng bala ang tinamo umano ng hukom, ayon sa pulisya.
Sa isang naunang post sa X, binigyang-diin ni Lacson, na naging hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 1999 hanggang 2001, ang kahalagahan ng “secrecy discipline” sa pagtugis sa mga high-profile na target.
“SSSHHH… : When pursuing a high-profile target or handling a sensitive live case, secrecy discipline is key – unless disinformation is necessary to flush the quarry into the open,” aniya.

