Calendar
Larawan: Official Gazette of the Republic of the Philippines/FB
PBBM, nilagdaan ang EO para sa AI governance framework; AI Council, itinatag
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 131 noong Nobyembre 12, 2026, na nag-aampon sa Artificial Intelligence (AI) Governance Framework ng Pilipinas at nagtatatag ng National Artificial Intelligence Council (NAIC).
Layunin ng kautusan na magkaroon ng pambansang gabay sa responsable, ligtas, at makataong pag-develop, paggamit, at pag-deploy ng AI. Nakapaloob sa framework ang apat na pangunahing elemento: ethics and principles, standards and assurance, risk-based policy toolkit, at enabling resources.
Itinatag ang NAIC bilang inter-agency body na mangangasiwa sa koordinasyon, pagpapadali, at pagsubaybay sa pagpapatupad ng AI Governance Framework. Direktang mag-uulat ang konseho sa Pangulo, sa pangunguna ng Executive Secretary bilang chairperson at kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) bilang vice chairperson.
Kabilang sa mga tungkulin ng NAIC ang pagtutugma ng mga programa ng pamahalaan sa AI framework, pagresolba sa mga hadlang sa polisiya at regulasyon, at pagrerekomenda ng mga hakbang upang mapabilis ang AI adoption habang pinangangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa at mag-aaral. Magkakaroon din ng mga technical working group para sa institusyon, data at research, capabilities, infrastructure, at demand generation.

